Institute for Political Economy - Home of the Institute for Political Economy INSTITUTE FOR POLITICAL ECONOMY
HomeJournalsPrimersCoursesPublicationsMonographsNewsLinksSearch
Main Menu
Home
Journals
Primers
Courses
Publications
Monographs
News
Links
Search
Praymer sa Charter Change: Chacha: Salbabida ni Gloria PDF Print E-mail

Mayo 2006

Sisinghapsinghap na ang gubyernong Macapagal- Arroyo sa lumalalim at lumalawak na dagat ng protesta ng mamamayan. Patuloy na nabibigkis ang malapad na pagkakaisa ng mamamayan para patalsikin sa poder ang gubyernong Arroyo. Nilulunod ng iba’t ibang porma ng paglaban ang peke, pahirap at pasistang rehimen mula sa karaniwang mamamayan, mga militante at rebolusyonaryong grupo, sa mga obispo at taong simbahan, sa mga propesyonal at maliliit na negosyante, sa hanay ng mga makabayang militar at hanggang sa ilang bahagi ng naghaharing uri. Sukol na ang pangkating Arroyo at tila dagang naghahanap ito ng masusulingan para makaahon sa nagngangalit na alon ng pakikibaka ng taumbayan. 

Litaw na litaw ang pangil ng pasistang panunupil upang desperado nitong pigilan ang pagkakaisa ng mamamayang patalsikin ang peke at makadayuhang gubyerno ni Arroyo. Mahigit 584 na kaso ng pampulitikang pagpatay ang naitala na mula nang iluklok ito ng mamamayan noong 2001 at karamihan dito ay mga militanteng lider ng mga organisasyon ng masa at progresibong partylist. Patuloy na dumadami ang mga bilanggong pulitikal na patuloy na pinahihirapan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Karamihan dito ay mga karaniwang mamamayan na nangahas na magtanggol sa kanilang kabuhayan at karapatan. Kabilang na rin dito ang mga rebeldeng sundalo at upisyal ng AFP na disgustado at lantarang lumalaban sa mga matataas na heneral ng AFP na kasabwat ng gubyernong Arroyo. Hindi na nga matiis kahit ng ilang matataas na upisyal ng gubyerno ang umaalingasaw na kabulukan at ang labis na pagkakahiwalay ng gubyernong Arroyo sa mamamayan kung kaya ang ilan sa kanila ay lantaran nang bumaklas sa pangkating Arroyo at nanawagan ding umalis na ito sa poder.

Napakatindi ng pagkakahiwalay ng gubyernong Arroyo sa mamamayan. Kinukumpirma ng mga sarbey ang malalim na disgusto ng mamamayan na hindi nabibilog ng mga mapanlinlang na programa at mga palabas ng gubyernong Arroyo. Patuloy na lumalakas ang kilusan ng pagpapatalsik kay Arroyo sa poder lalo pa’t pomosisyon na ang malaking bahagi ng simbahan, masmidya at kahit ang mga institusyon ng opinyong publiko sa Amerika tulad ng New York Times.

Desperado ang gubyernong Arroyo na makapanatili sa poder. Unti-unti nang lumulubog ang bangka ni Gloria at para sa gubyernong ito, ang tanging paraan para makaahon sa dagat ng pampulitikang krisis ay sa pamamagitan ng Chacha — ang nalalabing salbabida ng gubyerno ni Gloria Macapagal Arroyo.

1 Ano ang Chacha? Ano ang konstitusyon?

Charter change (Chacha) o pagbabago sa konstitusyon ang diumano’y makakapagpabago sa kalagayan ng bansa. Panahon na raw para baguhin ang saligang batas ng Pilipinas na binalangkas matapos ang Rebolusyong EDSA noong 1986. Matatandaang binalangkas ito ng isang constitutional commission na binubuo ng mga pinili ng gubyerno ni Corazon Aquino at pinagtibay sa isang plebisito ng mamamayan. Ayon sa gubyernong Arroyo, ang konstitusyong nabuo noong 1987 ay hindi na raw angkop sa kasalukuyang sitwasyon at dapat nang baguhin para masolusyonan ang dinaranas na kahirapan ng mamamayan at ang matinding krisis sa lipunan.

Konstitusyon o saligang batas ang tawag sa pinakapundamental na batas ng isang bansa. Dito nagmumula at ibinabatay ang lahat ng batas at mga patakarang binubuo at ipinatutupad ng gubyerno. Itinatakda ng konstitusyon ang pampulitika at pang-ekonomyang relasyon ng mga tao at ng mga institusyong panlipunan tulad ng gubyerno, batasan, hukuman, pulis at militar. Anumang batas na taliwas sa konstitusyon ay itinuturing na di-konstitusyonal (unconstitutional) at kung gayon ay ilegal. Kaya naman, “legal” at nakapangyayari ang mga itinatakda ng konstitusyon kahit na ito ay lantarang naglilingkod sa iilan sa lipunan.

Sinasalamin ng konstitusyon ng Pilipinas ang kaayusang malapyudal at malakolonyal ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng konstitusyon, “legal” na na napaghaharian ng mga panginoong maylupa at kumprador burgesya ang lipunang Pilipino. Sa pamamagitan ng konstitusyong binalangkas ng mga kinatawan ng panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador, nagkakaroon ng legal na batayan ang paghahari ng dayuhan sa bansa at ang pagsasamantala ng mga panginoong maylupa at kumprador burgesya hindi lamang sa masaganang likas na yaman ng bansa at laluna mula sa mamamayang anakpawis.

Noong 1935 bilang bahagi ng paghahanda ng mga Amerikano sa proyekto nitong “mapagsarili” ang Pilipinas, nabuo ang konstitusyong naglatag sa mga prinsipyo, institusyon, proseso ng paggugubyerno sa “malayang republika” ng Pilipinas na ipinagkaloob ng Amerikanong mananakop noong 1946. Mula noon, halinhinan ang magkakatunggaling paksyon ng lokal na naghaharing uri sa poder pampulitika. Nabuo ang mga partido pampulitika na binubuo ng mga pulitikong kumakatawan sa interes ng mga panginoong maylupa at kumprador burgesya. Nagtutunggalian ang mga partidong ito laluna kapag may eleksyon subalit pinag-iisa sila sa pagyukod at pagsisilbi sa imperyalismong US.

Sinira ni dating pangulong Marcos ang kalakaran ng paghahalinhinan sa poder ng mga naghaharing uri. Sa pagtatapos ng termino ni Marcos noong 1972 at kasabay nang matinding panlipunang sigalot noong unang mga taon ng dekada 70, itinuro ni Marcos ang konstitusyong 1935 na diumano’y hindi na raw angkop at kinakailangan nang baguhin para daw malunasan ang krisis sa ekonomya at sa pulitika. Itinulak ni Marcos ang pagbabago ng konstitusyon sa pamamagitan ng constitutional convention (ConCon) upang ilatag ang patuloy nitong paghahari lagpas sa termino nito. Inilusot ng mga tauhan ni Marcos na dominado sa ConCon ang probisyon para sa deklarasyon ng batas militar. Pinalitan ng konstitusyon ni Marcos ang elitistang demokrasya at ginawa nitong “legal” ang diktadura. Sa loob ng mahigit isang dekada at kalahati, ang konstitusyong Marcos ang panuntunan ng legal at ilegal. At siyempre pa, ayon sa konstitusyong Marcos, legal kapag nasa interes at kapakanan ng mga kroni at kaibigan ng pamilyang Marcos at ilegal kapag ito ay sumasalungat dito.

Matapos mapabagsak ang diktadurang Marcos sa Pag-aalsang Pebrero noong 1986, itinakwil ang konstitusyong Marcos at nagbalangkas ng panibagong konstitusyon para isatitik ang diwa ng EDSA o ang mga ipinaglaban ng mamamayan laban sa diktadurang Marcos. Gayunman, sa pagbubuo pa lamang ng Constitutional Commission (ConCom), agad nang nabuko ang gubyernong Aquino. Sa kabila ng pagkaluklok sa poder sa pamamagitan ng militanteng pagkilos ng mamamayan, hinirang nito ang mga kinatawan ng mga panginoong maylupa at kumprador burges para manguna sa pagbabalangkas ng diumano’y people power constitution.

Subalit dahil hindi maitatatwa ang mapagpasyang papel ng mamamayan sa pagpapabagsak sa diktadurang Marcos, pwersado ang gubyernong Aquino na maglagay ng ilang konsesyon o positibong mga probisyon sa konstitusyong 1987 bilang palamuti sa konstitusyong sa pangkalahatan ay naglilingkod sa mga dayuhan at sa patuloy na paghahari ng panginoong maylupa at kumprador burges. Kumbaga, maliban sa diktadurang Marcos, dating gawi pa rin ang kalakarang isinasaad ng konstitusyong 1987.

Kahit mistulang palamuti lamang sa konstitusyon, naging simbulo ang mga positibong probisyon sa konstitusyon ay nagagamit ng mamamayan para ipagtanggol ang mga demokratikong karapatan at naisasanggalang sa higit na pagyurak sa pambansang patrimonya at soberanya. Gayunman, ang mga positibong probisyon tulad ng pagbabawal sa dayuhang base militar at armas nukleyar, probisyon para sa demokratikong karapatan at kagalingan ng mamamayan, pambansang patrimonya at iba pa ay nananatiling palamuti at kung tutuusin pa nga ay lantaran pa ngang nilalabag ng gubyerno. Kahit hindi naman sinusunod at lantarang nilalabag, naging tinik sa lalamunan ng mga papet na gubyerno ang mga positibong probisyon na ito para sa todo-todong pagtataguyod sa imperyalistang globalisasyon at gera na isinusulong ng US.

Tulad ni Marcos, isinangkalan din sa mga problema ng bansa ng mga sumunod na gubyerno ang konstitusyong nabalangkas sa ilalim ni Cory Aquino. Hindi na raw ito angkop kaya kailangan baguhin para makaahon sa kahirapan ang ekonomya ng bayan. Ganito ang layunin sa likod ng People’s Initiative for Reform, Modernization and Action (PIRMA) ng gubyernong Ramos at Constitutional Correction for Development (ConCord) sa panahon ng gubyernong Estrada. Lahat ito ay pakana para iayon ang konstitusyon sa mas matinding pandarambong ng imperyalismo sa bansa at para sa kapakinabangan ng mga lokal na naghaharing uri kabilang na ang paksyong nasa poder.

Gayunman, militanteng binigo ng mamamayan ang mga pakanang ito. Mabilis na nalantad ang baluktot na pakanang baguhin ang konstitusyon 1987 hindi para iwasto ang makadayuhan at maka-panginoong maylupa na kiling nito. Bagkus, ang PIRMA, Concord at Chacha ay nakatuon pa sa higit na pagpapasahol sa mga ito.

2 Ano ang Chacha ni Gloria at ano ang kaibahan nito sa mga Chacha ng mga nakaraang rehimen?

Tulad ng kay Ramos at Estrada, parehong pormula din ang proyekto ni Arroyo para tuluyan nang maisagawa ang tulak-ng-imperyalistang Chacha. Pero hindi na madaling linlangin ang mamamayang walang puknat na nakipagtunggali sa mga pakanang PIRMA at Concord ng mga nakaraang rehimen bago si Arroyo.

Ayon sa kasalukuyang konstitusyon, tatlong legal na paraan ang pwedeng daanan ng Chacha o pag-aamyenda dito. Una, ang pagtatayo ng constitutional convention (ConCon) o tuwirang maghahalal ang mamamayan ng kanilang kinatawan para magbalangkas ng mga pagbabago sa konstitusyon na ihaharap sa taumbayan sa pamamagitan ng plebisito o referendum. Ito ang pamamaraang itinutulak ng mga pulitikong kontra-Arroyo pero pabor sa Chacha. Pero dahil may kampanya at eleksyon pa sa pamamaraang Concon, hindi na ito makakahabol sa takdang panahon ayon sa plano ng gubyernong Arroyo lalo pa’t patuloy na lumalakas ang yugyog ng mamamayan para ito’y gumuho.

Itinutulak ng mga tagasuporta ni Arrroyo sa kongreso ang ikalawang pamamaraan – ang constituent assembly (ConAss). Sa pamamaraang ito, itatransporma ng kongreso ang sarili nito bilang kapulungan ng mag-aamyenda sa konstitusyon. Ito ang pinakamadali at pinakamabilis na paraan para sa gubyernong Arroyo lalo pa’t karamihan sa mga kinatawan sa kongreso ay kontrolado ng gubyernong Arroyo tulad ng nakita sa bigong impeachment process noong nakaraang taon. Pabor din dito ang maraming pulitiko dahil kakabit ng ConAss ang pagpapalawig sa termino ng mga kasalukuyang nanunungkulan. Pero nakikipagtigasan sa gubyernong Arroyo ang mayorya ng mga Senador at hinaharang nito ang mga inisyatiba ng administrasyon na hindi kaila ang pagnanais na lusawin ang senado.

Samantala, lumustay ang gubyernong Arroyo ng milyong piso sa pera ng bayan upang tustusan ang hinirang nitong “Consultative Commission” (Arroyo ConCom) na dali-daling nagbalangkas at nagsumite noong Disyembre ng mga panukalang pagbabago na siyempre pa ay ayon sa nais mangyari ng gubyernong Arroyo. Dahil binubuo ng mga piling tauhan ni Arroyo at ahente ng imperyalismo, masugid nitong ipinatupad ang pagtatanggal sa mga probisyong hindi umaayon sa malayang kalakalan at pagsuporta ng Pilipinas sa gera ng US. Pero bago nito isinumite ang pinal na dokumento ng panukalang amyenda, ipinuslit sa ConCom ang mga transitory provisions tulad ng pagkansela sa lokal na eleksyon sa 2007 at ang “pansamantalang” paghawak ni Gloria sa pwesto bilang presidente (head of state) at punong ministro (head of government).

Pagdating sa kongreso, nagpakitang gilas din ang mga kasabwat ng pangkating Arroyo at nagbuo din ito ng sariling mga panukala para sa mas mabilis na implementasyon ng Chacha ni Gloria. Kailangan daw unahin ang pagbabago sa porma ng gubyerno tungo sa sistemang parlamentaryong sistema para mas mabilis na maisagawa ang mga pagbabago sa pangekonomyang probisyon ng konstitusyon. Inumang ng mga tauhan ni Arroyo ang Constituent Assembly (ConAss) na mabilis namang kinagat ng mga pulitiko lalo na yaong mga makikinabang sa No election scenario sa 2007.

Pero kahit pa dominado ng pangkating Arroyo ang kongreso, maingay at buong giting naman itong tinutunggali ng oposisyon sa pangunguna ng mga progresibong kinatawan ng Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela Women’s Partylist. Kahit na minorya, ang mga kinatawan ng mga militanteng partylist kasama ang ilan pang kongresistang anti-Gloria ay hindi bumibitaw sa pagharang sa mga taktikang Chacha ng mga alipures ni Gloria na mayorya sa kamara. Lalo pang naging mahirap sa gubyernong Arroyo na madaliin ang Chacha matapos na pomosisyon ang karamihan ng Senador para sa pagbubuo sa Constitutional Convention (ConCon) bilang paraan ng pag-aamyenda sa konstitusyon. Itinutulak ng gubyernong Arroyo na itransporma na lang ng kongreso at senado ang sarili bilang Constituent Assembly (ConAss) para hindi na magkaroon ng eleksyon at maging madali ang pag-aamyenda. Pero ayaw namang magpalamang ang mga senador sa tusong pakana ng pangkating Arroyo na dominahin ang Constituent Assembly.

Naghanap ng alternatibang ruta ang gubyernong Arroyo at sinalaula nito ang probisyon ng konstitusyon para sa ikatlong pamamaraan ng pagaamyenda sa konstitusyon sa pamamagitan ng pagbibigay-karapatan sa mamamayan na magsagawa ng inisyatiba o sariling kilos para sa mga pagbabago. Ayon sa konstitusyon, ang amyenda ay maaring maisagawa sa pamamagitan ng people’s initiative o pagpapirma sa 12% ng rehistradong botante o 4.8 milyong pirma na dapat ay hindi bababa sa 3% ng bawat congressional district.

Tinawag itong “people’s initiative” pero binaluktot ito ng gubyernong Arroyo nang gamitin nito ang salapi ng bayan at ang malawak na makinarya ng gubyerno upang suhulan ang mga lokal na upisyal at kasabwatin ang mga ito na linlangin ang taumbayan na magsagawa ng diumano’y petisyon para sa pagbabago ng konstitusyon. Isang biglang sulpot na organisasyong tinatawag na Sigaw ng Bayan, ang nangunguna ngayon sa pagkalap ng mga pirmang ito. Pero hindi pa man nakakaporma, agad nang lumitaw ang mga kaso ng panlilinlang, panunuhol at pananakot para makakalap ng pirma para sa “people’s initiative”. Bukod dito, kitang-kita ang papel ng gubyernong Arroyo na gamitin ang makinarya at rekurso ng pamahalaan. Nagsisilbing makinarya ng Sigaw ng Bayan ang ilang upisyal ng barangay na pinatatakbo naman ng mga kampon ni Arroyo sa mga local government units sa tulak ng DILG at ng mga alipores nito sa Union of Local Authorities in the Philippines (ULAP).

Ginamit na behikulo ng gubyernong Arroyo sa pamamagitan diumano ng Sigaw ng Bayan ang mga asembleya ng mamamayan sa bawat barangay noong Marso 25-26, 2006. Ito ay ipinatawag, pinondohan at pinangasiwaan ng mga upisyal ng barangay at mga tauhan ng mayor at gobernador na kaalyado ni Arroyo. Layon nila dito ang makalikom ng pirma mula sa mamamayan para isumite sa Comelec bilang bahagi ng “petisyon” para sa pag-aamyenda ng konstitusyon. Gayunman, umulan ng maraming reklamo ng panlilinlang, panunuhol at pananakot para lamang maprodyus ang kinakailangang bilang ng pirma. Sa ilang probinsya, agad nang nalantad ang mga pekeng pirma sa isinumiteng papeles para sa diumano’y “people’s initiative”.

Desperado ang gubyernong Arroyo na madaling maisagawa ang Chacha. Pilit nitong pinalilitaw na sinusuportahan ito ng mamamayan na pinapatunayan daw ng dumaraming pumipirma sa “people’s initiative”. Pero kandabulol ang gubyerno dahil hindi nito mapasinungalingan ang halos iisang pulso ng mamamayan mula sa mga sarbey at maging sa opinyong publiko. Sa regular na sarbey ng Ibon Foundation, lumilitaw na di-bababa sa 76% ng mga respondents na nakakaalam sa isinasagawang Chacha ang tutol dito. Sa kabila nito, tuloy pa rin ang buhos ng pera ng bayan para sa pagpapirma habang niluluto ito sa Comelec na magbeberipika ng mga pirma at sa Korte Suprema na magpapasya sa legalidad ng “people’s initiative” na ang tutuo’y Arroyo initiative.

Pero nahihirapang makalusot ang ganitong mga pakana ng gubyerno Arroyo kahit sa mga katunggali nitong paksyon ng naghaharing uri laluna sa mamamayan. Malinaw pa kasi sa sikat ng araw na para sa sariling interes lamang nagsisilbi ang pakana nitong Chacha. Kung tutuusin, mas masahol at garapal pa nga ang pamamaraan ni Gloria kumpara sa mga pagtatangka ng mga nakaraang gubyerno para amyendahan ang konstitusyon.

3 Bakit todo-buhos ang pagsisikap ng gubyernong Arroyo sa Chacha?

Tanging Chacha na lang ang buhay ng gubyernong Arroyo. Ito ang tanging salbabida na kanyang makakapitan upang di-malunod sa nag-aalimpuyong alon ng mga panawagan ng iba’t ibang sektor na patalsikin siya sa poder. Gumuguho ang rehimeng Arroyo dahil sa matindi nitong pagkakahiwalay sa taumbayan. Sa iba’t ibang sektor nagmumula ang panawagang patalsikin ito sa poder dahil sa mga pang-ekonomyang patakarang ipinatupad nito para sundin ang dikta ng among imperyalistang US habang subsob namang pinahihirapan ang mamamayang Pilipino laluna ang masang anakpawis. Pasistang panunupil naman ang isinasagot nito sa sinumang nangangahas na tumutol at lumaban sa mga patakaran ng gubyerno. Dinadahas at tinatakot nito ang mga militanteng lider at organisasyon na nagsisiwalat sa mga kaso ng pangungurakot, pandaraya at pang-aabuso sa kapangyarihan ng gubyernong Arroyo. Kaya naman mabilis na lumapad ang hanay ng mamamayang nanawagan para ito patalsikin sa poder. Pero noong nakaraang taon, tuluyan nang nawalan ng karapatang mamuno sa gubyerno si Gloria Arroyo nang lumitaw ang mga ebidensya ng pandaraya sa eleksyon na nagbigay-duda kung siya nga ba ang tunay na halal ng bayan.

Sa halip na harapin ang akusasyon at mga ebidensya ng pandaraya sa eleksyon, ginamit nito ang pulis at militar upang supilin ang kilusang talsik laban sa gubyernong Arroyo. Ginamit nito ang pasistang taktika na ginamit ni Marcos tulad ng pagsupil sa mga mapayapang pagkilos ng mamamayan sa pamamagitan ng CPR, paglalabas ng Exec. Order 464 na kumakapon sa kapangyarihan ng Senado at Kongreso na imbestigahan ang mga gawain ng upisina ng pangulo at nitong huli ang pagdideklara ng Proclamation 1017 o ang “state of national emergency”. Lisensya ang state of emergency ni Arroyo para lantarang gumamit ng dahas ang militar tulad ng pagpatay, pandurukot at panghuhuli sa mga lider at aktibong miyembro ng mga organisasyon lumalaban sa gubyernong Arroyo. Ni-reyd ng militar ang mga upisina ng mga organisasyon at matinding pinuruhan ang mga miyembro ng masmidya gaya nang ginawa nitong pagpapasara sa mga programa sa radyo tulad ng popular na Ngayon na Bayan at Buhay Manggagawa at ang pwersahang pag-take over sa imprenta ng Tribune na dyaryong kritikal kay Arroyo.

Mistulang bumalik ang anino ng diktadurang Marcos kay Gloria Arroyo. Para sa maraming di makalimot sa lupit ng batas militar ni Marcos, inuulit ng gubyernong Arroyo ang maraming hakbanging isinagawa ni Marcos bago nito pormal na ideklara ang batas militar. Matatandaang ginamit din ni Marcos ang Chacha para magkaroon ng legal na balangkas ang martial law at sawatain ang pagpapatalsik sa kanya ng mamamayan sa poder. Pareho ng taktika, pareho din ang layunin.

Pangungunyapit sa poder ang nananaig na layunin ng Chacha ni Gloria. Isang bagong konstitusyon na lamang ang maaaring magpanatili sa gubyernong Arroyo hanggang 2010 o lampas pa dito. Kaya naman, noon pang nakaraang taon, niluluto na ng gubyernong Arroyo ang Chacha para ilayo ang atensyon ng mamamayan sa isyu ng pandaraya, pangungurakot at sa malawakan nitong paglabag sa karapatang pantao upang supilin ang pagkilos ng mamamayan. Sukdulang magbayad pa ito ng ilang milyong dolyar sa Venable, isang dayuhang public relations company para tumulong sa propaganda at paglulubid ng mga kasinungalingan para sa Chacha.

Sa pamamagitan ng bagong konstitusyon, maiiwasan ni Arroyo ang patuloy na pag-uusig sa katotohanan ng panadarayang naganap noong nakaraang eleksyon. Maiiwasan din nito ang panibagong impeachment process na malamang ay muling iharap sa kanya sa darating na Hulyo at posibleng magpasingaw pa ng mga panibagong baho ng kanyang administrasyon. Maari pa nitong magamit ang bagong konstitusyon para muling paasahin sa wala ang mamamayan.

Titiyakin nitong lalamanin ng bagong konstitusyon ang diktadurang kapangyarihan at pagsupil sa kalayaang sibil at demokratikong karapatan ng mamamayan. Tulad ni Marcos, tataglayin ng bagong konstitusyon ang legal na balangkas ng diktadura ni Arroyo sa pagtataguyod ng mga matatapat nitong tauhan sa pulis at militar. Hindi pa man pormal na deklarado ang diktaduryang Arroyo, inilalatag na ito ng mga nilulutong batas sa kongreso tulad ng batas sa “anti-terorismo” at mga pasistang patakaran tulad ng calibrated preemptive response (CPR) sa pagharap sa mga kilos-protesta at pagdeklara ng state of national emergency kalakip ang warrantless arrest at pagpapatahimik sa mga kritiko tulad ng masmidya. Bagamat idineklarang ito’y di-konstitusyonal ng Korte Suprema, ang tutuo’y ginawa nitong legal ang kapangyarihan ni Arroyo na gumamit ng pulis at militar para “ipagtanggol ang sarili” sa mga nagpapatalsik dito. Maari itong gamitin ng mga pulis at militar para supilin at dahasin ang mga mamamayan at organisasyong hindi sumusunod at lumalaban sa gubyernong Arroyo. Sa ganitong tono ng Korte Suprema, marami ang nagpapalagay na dahil marami sa mga mahistrado ay hinirang ni Arroyo, posibleng idaan sa legal na labanan ang Chacha at ang Korte Suprema ang alas ni Arroyo..

Nakikita rin ni Arroyo na magiging mahalagang pagkakataon ang Chacha para ikonsolida at higit pang pahigpitin ang kanyang hawak sa burukrasya. Ngayon pa lang, nililigawan na nito ang mga pulitiko sa pangangako ng patuloy na kapangyarihan. Bahagi ng paketeng Chacha ni Arroyo ang senaryong No-El (no elections) na nagkakansela ng lokal na eleksyon sa 2007 at kung gayon ay mangangahulugan ng ekstensyon sa termino ng mga pulitikong nasa poder.

Samantala, ang mga karibal na pulitiko ni Arroyo ay tinatanggalan na nito ng pakpak ngayon pa lang. Kabilang sa mga taktika ni Arroyo ang panukalang paglusaw sa Senado na balwarte ng mga pulitikong may ambisyong pumalit sa kanya. Bahagi ng itinutulak ng gubyernong Arroyo na pagbabago sa konstitusyon ang pag-iisa na lamang sa kongreso (wala nang senado) na ikinaalburuto naman ng mga senador na ang ilan ay hanggang 2010 pa ang termino. Kaya kahit ang ilan sa kanila ay pro-Chacha, tutol ang mga ito sa Chacha ayon sa pakana ni Gloria.

Dahil dito lalo pang tumitindi ang bangayan ng mga paksyon ng naghaharing uri. Ang tutuo’y nagkakaisa sila sa pag-aayon ng konstitusyon sa globalisasyon at ang epektibong pagbara sa people power o anumang kolektibong inisyatiba at pagkilos ng mga anakpawis na siyang laging pinangangambahan ng naghaharing uri. Subalit ganid sa kapangyarihan si Arroyo at pilit nitong isinasakay sa Chacha ang pakana nitong makapanatili at masolo ang kapangyarihan.

Inaasahan ni Arroyo na ang matatag at maagap nitong pagsasagawa ng Chacha ay aani ng patuloy na suporta at pagtataguyod ng imperyalismong US. Sa pangunahin naman kasi ay imperyalismo ang nagtutulak ng pagbabago sa konstitusyon. Kahit na hindi sinusunod, nagiging malaking sagabal din ang ilang probisyon sa konstitusyong nalikha matapos ang people power. Ang iilang patakaran nagpoprotekta sa likas-yaman at lokal na ekonomya ay hindi na raw angkop at bumabangga sa malayang kalakalan na itinatakda ng imperyalistang globalisasyon. Hindi raw posible ang malaya at nagsasariling patakarang panlabas na itinatakda ng konstitusyong 1987 dahil kailangan kumampi sa US sa gerang inilulunsad nito laban sa “terorismo”.

Noon pa man, itinutulak na ng mga imperyalistang bansa ang pagaamyenda sa konstitusyon hindi lamang ng Pilipinas kundi ng iba pang mga mahihirap na bansa. Mula nang nakaraang dekada, umaabot na sa 130 bansa ang nagrebisa, nag-amyenda o kaya naman ay nagbuo ng bagong konstitusyon para umangkop sa bagong pandaigdigang kaayusan na dominado at kinokontrol ng imperyalismo. Ang karaniwang inaamyendahan ay ang mga probisyong nagpoprotekta sa lokal na ekonomya dahil ito raw ay makitid na interes na lamang sa harap ng pandaigdigang pagtutulungan at malayang kalakalan.

Ang tutuo’y pakana lamang ito ng mga imperyalistang bansa upang madulas nitong mailabas at maipasok ang mga sobrang kapital sa mga bansa nang walang restriksyon. Layon din nito na malayang makapagnegosyo ang mga imperyalistang korporasyon at makasosyo ang mga lokal na naghaharing uri nang walang sagabal. Sa madaling salita, isang konstitusyon na magbibigay ng legal na balangkas para sa imperyalistang pandarambong at pagsasamantala sa likas na kayamanan at iba pang rekurso ng mahihirap na bansa tulad ng paggawa at pamilihan.

4 Ano ang mga nais baguhin sa konstitusyon?

Dalawang dokumento ng panukalang pagbabago sa konstitusyon ang inilalako ngayon ng gubyernong Arroyo. Ang una ay ang produkto ng itinayo nitong 55-kataong Consultative Commission. Ang ikalawa ay yaong nagmula sa mga atat na tauhan ni Arroyo sa kongreso na nagpapahaba ng papel at gustong makapwesto tulad ni Speaker Jose de Venecia na lantarang nagaambisyon na maging punong ministro. Magkakaiba man ng pagpapakete at hagod, ang mga mungkahing pagbabago ay inilalakong solusyon sa kahirapan ng bayan, korapsyon at sa despalinghadong sistema ng pamamahala sa gubyerno.

Kung tutuusin, matutukoy sa mga sumusunod na usapin ang mga nais na baguhin ng gubyernong Arroyo sa konstitusyong 1987:

  1. pagpapalit sa porma, proseso at sistema ng gubyerno mula sa sistemang presidential/bicameral/unitary patungong parliamentary/unicameral/ federal
  2. pagtapyas sa iilang positibong probisyon sa kalayaang sibil at demokratikong karapatan na ipinagwagi ng mamamayan laban sa diktadurang Marcos at sa bangungot ng batas militar
  3. pag-ayon ng konstitusyon ng mga bansa sa idinidikta ng imperyalismong US na malayang pagpasok ng dayuhang pamumuhunan at kanilang ganap na pag-aari ng mga lupain at likas na yaman ng bansa
  4. pagsuporta ng Pilipinas sa “gera laban sa terorismo” ng US sa pagpapahintulot sa muling pagbabalik ng mga base at tropang militar ng Amerika na siguradong may bitbit na armas-nukleyar
  5. pagsusulong sa makitid na interes ng pangkating Arroyo na makapanatili sa poder at mas malawak na kapangyarihan bilang pangulo at punong ministro na may kapangyarihang ehekutibo at lehislatibo. Sa panukalang transitory provisions, palalawigin ang termino ng kasalukuyang mga upisyal ng gubyerno habang si Arroyo sampu ng kanyang gabinete ay magiging miyembro ng unicameral na batasan at kontrolin ang pagbabalangkas ng mga batas na sila din naman ang magpapatupad.

5 Totoo bang magbubunsod ng pag-unlad sa ekonomya at kabuhayan ng mamamayan ang Cha-Cha?

Lalo pang babagsak at lalala sa halip na umunlad ang ekonomya at umangat ang kabuhayan ng mamamayan kapag naisagawa ang mga Chacha ni Gloria. Ayon sa gubyernong Arroyo, kapag natanggal ang mga probisyong balakid sa pagpasok ng dayuhang kapital, dudumugin ang Pilipinas ng mga dayuhang mamumuhunan at mangangahulugan ito ng trabaho, dagdag na kapital, pagsigla ng ekonomya at pag-angat sa kabuhayan.

Partikular na target sa kasalukuyang konstitusyon ang mga bahaging kahit paano ay nagtatanggol sa kapakanan ng lokal na kapital at paggawa. Halimbawa sa Artikulo 12 (Pambansang Ekonomya at Patrimonya), itinatakda na dapat itaguyod ng Estado ang paggamit ng lokal na lakas paggawa, lokal na materyales at sariling yaring kalakal. Itinatakda ng konstitusyon na dapat proteksyonan ng gubyerno ang lokal na negosyo at industriya sa di-pantay na kumpetisyon sa dayuhang pamumuhunan. Tungo dito, nililimitahan ang pagmamay-ari ng dayuhan sa mga lupa gayundin sa mga larangan ng ekonomya at lipunan na maaring pagnegosyohan ng dayuhang kapital.

Pero dahil kasabwat ang papet na gubyerno, madaling naiikutan ng dayuhang monopolyo kapitalista ang mga probisyong nabanggit. Ito pa nga mismo ang naging tuntungan ng mga patakarang globalisasyon ng papet na gubyerno. Mula noong 1987, ibinukas nang husto ang ekonomya para sa pandarambong ng dayuhang kapital sa pamamagitan ng mga batas at programang tulad ng Foreign Investments Act ng 1991 at pagliberalisa sa mahahalagang sektor ng ekonomya tulad ng pagmimina at pagbabangko. Sa ilalim ng probisyong ito, naisulong ang imperyalistang patakaran ng deregulasyon at pribatisasyon tulad ng naganap sa kuryente at sistema ng tubig sa bansa.

Gayunman, hindi pa rin kuntento dito ang dayuhan at itinutulak pa ang tuluyang pag-alis sa mga probisyong ito sa konstitusyon kahit hindi naman ito ipinatutupad kung tutuusin. Partikular na nais maalis ng imperyalismo ang pagbibigay proteksyon sa lokal na industriya at negosyo, kontrol at superbisyon ng gubyerno sa mga pang-ekonomyang aktibidad, pagbabawal sa 100% pagmamay-ari ng lupa, paglimita sa pag-aari ng dayuhan hanggang 40% sa mga lokal na negosyo, paglimita ng dayuhang kapital sa mga public utilities, pagbibigay-tangi (preference) sa lokal na paggawa at materyales, at iba pang ipinapalagay ng imperyalismo na pumipigil sa dayuhang pamumuhunan. Kapag nabura sa konstitusyon ang mga ito, dadagsa daw ang dayuhang kapital at malulutas na ang krisis pang-ekonomya ng bansa kasabay sa pagangat ng kabuhayan ng mamamayan. Pero ang katotohanan ay hindi naman talaga nakapagdulot ng signipikanteng pag-unlad sa ekonomya ng bansa ang dayuhang pamumuhunan.

Makikita ito sa itinakbo ng ekonomya sa nakaraang mga taon. Lumaki ang dayuhang pamumuhunan sa nakaraang dalawang dekada subalit patuloy ang pagbagsak ng ekonomya. Patuloy na lumalaki ang kontrol ng mga dayuhan sa ekonomya ng bansa subalit nanatiling atrasado at umaasa sa import ang lokal na produksyon. Wala rin namang itong naidulot na pag-abante sa teknolohiya tulad nang madalas na sinasabing kabutihan ng dayuhang kapital.

Kung may trabaho man nalilikha ang dayuhang pamumuhunan, ang mga ito ay napakaliit kumpara sa dami ng mga manggagawang nawawalan ng trabaho dahil sa mga nagsasarang lokal na negosyo na nalulugi sa kawalangkakayahan na makipagkumpitensya sa malalaking dayuhang kapitalista. Bukod dito, ang iilang trabahong nalilikha sa pagpasok ng dayuhan kapital ay karaniwang panandalian halimbawa kontraktwal at pleksibleng anyo ng paggawa bukod pa sa barat na pagpapasweldo na kabilang sa mga insentibong binibigay ng gubyerno sa dayuhang mamumuhunan.

Kung tutuusin, ang ipinapangakong pag-unlad ng kabuhayan sa Chacha ay malaking kasinungalingan sa simula pa lang. Paano naman kasi, ang estratehiya ng pag-akit sa dayuhang kapital bilang susi sa pag-ahon sa krisis pang-ekonomya ay napatunayan nang hindi tutuo at sa kabilang banda pa nga ay lalo pang nagpapalubog sa mamamayan sa kumunoy ng kahirapan. Halimbawa, habang bumabagsak ang antas ng kabuhayan ng mamamayan at nalulugi ang lokal na maliliit na negosyante, tumitiba naman ng husto ang dayuhang kapitalista at mga lokal na kasosyo nila sa ating bansa. Mula 1961 hanggang 1998, mahigit $1.1 bilyon ang inilabas na tubo ng mga dayuhang mamumuhunan kabilang na dito ang dibidendo, komisyon at royalties.

Samantala, pagpipyestahan ng mga dayuhang kapitalista ang masaganang likas na kayamanan ng bansa. Bukod sa mura at siil na lakas-paggawa, naglalaway ng husto ang dayuhang kapital sa mayamang kabundukan at karagatan ng bansa kaya itinutulak nila ang 100% pag-aari sa mga ito. Pinagtutubuan din nito ang mga negosyong tubong lugaw tulad ng tubig, langis at kuryente na monopolisado ng dayuhang kapital at lokal na kumpradorburges.

6 Ano ang magiging epekto ng Chacha sa mamamayan?

Walang trabaho. Bagsak na kabuhayan. Mataas na presyo ng produkto at serbisyo. Iskwater sa sariling bayan. Ito ang direktang epekto ng Chacha sa mamamayan.

Lalo pang dadami ang kawalan at kakulangan ng trabaho kapag tuluyan nang inalis ang mga proteksyon sa lokal na industriya at negosyong tiyak na malulugi at magsasara. Ngayon pa lang ay dinaranas na nang bansa ang pinakamatinding krisis sa kawalang hanapbuhay. Walang kasing lala ang kalagayan sa empleyo ng bansa. Sa datos mismo ng gubyerno, tinatayang mahigit 1 sa bawat 10 manggagawa ang walang trabaho. Mas malala pa dito ang bilang ng mga manggagawa na kulang sa trabaho.

Lalo pang titindi ang dislokasyon ng mga magsasaka, mangingisda at katutubo sa kanayunan na itataboy ng mga dayuhang magmamay-ari ng mga kabundukan, karagatan at mga lupang ninuno. Lalong titindi ang konsentrasyon ng lupang agrikultural sa iilan habang ang kalakhan ay makikisaka na lamang at pipiliting mabuhay sa hambalos na pyudal at malapyudal na pagsasamantala.

Aariin at kokontrolin ng dayuhan ang mga estratehiko at mahahalagang yutilidad ng bansa kapag inalis ang probisyong naglilimita sa pag-aari ng dayuhan sa mga ito. Kapag monopolisado ng dayuhan ang langis, tubig at kuryente, wala nang makapipigil sa mga ito para magtakda ng mga arbitraryong pagpipresyo sa kanilang mga produkto na lubhang kailangan ng mamamayan at negosyo. Negosyong pagkakikitaan na rin ang pagpapatakbo sa mga batayang serbisyong panlipunan tulad ng kalusugan at edukasyon. Ganap namang mapapaikot ng dayuhan ang lokal na populasyon bilang siguradong konsyumer ng kanilang produkto dahil wala nang restriksyon sa kanila para magmay-ari ng masmidya at advertising agencies.

Sa kalaunan, mawawalan na ng kahulugan ang pambansang patrimonya at soberanya. Wala na tayong matatawag na pambansang ekonomya at ang ekonomya ng bansa ay tuluyang nakakabit sa estribo ng pandaigdigang kapitalismo na kontrolado ng mga imperyalistang bansa sa pangunguna ng US.

Magluluwal ng matinding ligalig sa lipunan ang matinding kahirapan at pagsasamantalang mararanasan ng mamamayan na wala nang mapagpipilian kundi lumaban para mabuhay. Subalit ang pakikibakang ito para mabuhay ay haharapin ng batas militar at mga pasistang instrumento ng panunupil ng isang diktadurang gubyerno.

Bahagi ng isinasagawang Chacha ang pag-alis ng garantiya para sa kalayaang sibil at demokratikong karapatan ng mamamayan. Noong 1987, iginiit ng mamamayan ang paglalagay ng mga ito sa konstitusyon para hindi na maulit ang batas militar. Pinatindi ang mga rekisito sa pagdideklara ng batas militar ang gubyerno at pinalakas diumano kahit sa papel man lang ang bill of rights o mga demokratikong karapatan ng mamamayan.

Subalit nakatakang buhayin ng Chacha ang bangungot ng batas militar. Tulad ni Marcos, balak ng Chacha na bigyan ng kapangyarihan si Pangulong Arroyo na madaling makapagdeklara ng batas militar. Katunayan, bago pa man ang Chacha, kasabwat ang kongreso at korte suprema, inilalatag na nito ang mga batas tulad ng anti-terrorism law, national ID system, at iba pang sangkap sa pagtatayo ng “strong republic”.

Para sa mamamayan, ang Chacha ay mangangahulugan ng pagbagsak sa kabuhayan at pagkakait ng demokratikong karapatan.

7 Kung walang mapapala ang mamamayan, sino ang makikinabang sa Chacha ni Gloria?

Hindi naman direktang mapapakinabangan ng mamamayan kahit ang mga pagbabagong nais gawin sa sistemang pampulitika ng bansa. Hindi man lang nga ito tutugon sa pangangailangan ng mamamayan kundi magsisilbi pa sa makitid na interes ng mga naghaharing uri.

Ang panukalang pagbabago sa presidential (pangulong direktang inihahalal ng mamamayan), bicameral (kongreso at senado), unitary (sentralisadong pamamahala) ay malayo sa kumakalam na sikmura ng taumbayan. Pansariling interes din ng mga pulitiko ang nasa likod ng pagtutulak ng sistemang parliamentary (may punong ministro), unicameral (kongreso na lamang at wala nang senado), federal (may relatibong awtonomiya na mga regional governments). Alinman sa mga sistemang ito, pareho lang na gagamitin at pakikinabangan ng mga naghaharing uri at dayuhang kapangyarihang imperyalista. Kwestyon lamang kung alin ang mas mapapakinabangan, mas makakapanlinlang at mas magiging epektibong sistema ng paghahari ng partikular na pangkating nasa poder at ang partikular na sitwasyong kinapapalooban nito.

Tiyak na makikinabang sa Chacha si Pangulong Gloria mismo dahil mas magiging makapangyarihan ang punong ministro kasabay ng pagiging pangulo. Makakaiwas ito sa isyu ng pagiging lehitimo at magkakaroon ng “mandato” mula sa mga maghahalal na mga kaalyado sa kongreso.

Malinaw din ang pakinabang ng mga kasalukuyang upisyales ng gubyerno at kongreso dahil sa pagpapaliban ng eleksyon ng 2007 sa 2010 at kung gayo’y walang kahiraphirap na ekstensyon ng termino para sa kanila. Ito katunayan ang pang-akit ni Arroyo sa mga lokal na upisyales para suportahan ang Chacha bukod pa sa suportang rekurso mula sa pondo ng bayan. Kaya naman todo kayod at kapal ng mukha ang mga pulitiko para mapagbago ang isip ng kanilang mga nasasakupan na suportahan ang Chacha ni Gloria.

Panunuhol din sa ilang sektor ang layunin ng iba pang panukalang pagbabago sa konstitusyon. Halimbawa, ang panukala na itaas ang compulsary retirement age ng mga mahistrado sa korte suprema ay tiyak na ikatutuwa ng mga nakaupong supreme court justices. Importante para kay Arroyo na makuha ang suporta ng mga mahistrado dahil marami sa mga taktika nito sa Chacha ay sinasabing labag sa konstitusyon tulad ng “people’s initiative” at ang plano ng kongreso na lusawin ang senado sa pagboto para maging constituent assembly ito. Ang mga ito’y magiging legal na isyu na ihaharap at pagpapasyahan ng korte suprema kaya naman sinisigurado ni Gloria ang paborableng boto ng mga ito. May mga nagsasabing hindi naman ito mahirap manyari dahil kalakhan ng kasalukuyang mahistrado ay appointed ng gubyernong Arroyo.

Ganito rin ang layon ng panukala na mga upisyal-militar na may ranggong heneral na lamang ang idadaan para sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments ng kongreso. Magbubunyi dito ang maraming matataas na upisyal ng pulis at militar na takot sumalang sa pagsusuri ng kongreso dahil baka malantad ang kanilang mga lihim na negosyo at aktibidades.

Para makuha naman ang suporta ng mga tradisyonal na pulitiko, ipinapanukala din na palakasin at bigyan ng subsidyo ng gubyerno ang mga partidong pampulitika. Gayunman, kapansinpansing binura sa panukala ang pagtukoy sa mga “sectoral parties or organizations” na walang iba kundi ang mga partylist organizations na nitong mga nakaraang eleksyon ay napatunayang nagdala sa interes ng mga maliliit at walang kapangyarihang sektor ng lipunan. Kung sakali, wala nang pag-iiba sa mga partidong pampulitika kaya malaki ang posibilidad na lalo pang dodominahin ng mga tradisyonal at reaksyonaryong partidong pampultika kahit ang sistema ng patylist elections.

Pero habang kinakabig ni Arroyo ang mga ito sa kanyang makitid na interes na makaalpas sa kinasasadlakang pampulitikang krisis at makapanatili sa poder, todo-bira naman ito sa mga banta sa kanyang ambisyong patuloy na makakapit sa poder. Kabilang sa binibira ni Arroyo ang ilang pulitiko at seksyon nang naghaharing uri na ginigipit ni Arroyo para sa makitid nitong interes na solohin ang kapangyarihan at pakinabang. Kaya naman kahit na tagapagtaguyod din ang mga ito ng imperyalistang pakana na baguhin ang konstitusyon, humahanay ito pansamantala sa mga kontra-chacha ni Gloria. Ito ang nagpapaliwanag kung bakit ang ilan sa kanila ay todong nangampanya noong mga nakaraang administrasyon para sa Chacha pero ngayo’y tutol sa pagbabago sa konstitusyon.

Chacha man ito sa makitid na interes ng pangkating Arroyo, nanatiling nagsisilbi ang pagbabago sa konstitusyon sa naghaharing sistema na pinaghaharian ng imperyalismong US kasabwat ang mga malalaking kumprador burgesya at panginoong maylupa. Pagbabago ito hindi para ituwid ang reaksyonaryong katangian ng kasalukuyang konstitusyon. Manapa’y pagbabago ito para mas patindihin ang pandarambong ng imperyalismo at mas masahol na pagsasamantala ng mga panginoong maylupa at malalaking kumprador burges sa mamamayang Pilipino. Samantala para sa gubyernong Arroyo, ang Chacha ang nalalabing paraan upang makapanatili ito sa kapangyarihan at sa proseso ay ginagamit nito ang pagkakataon upang ilatag ang pangmatagalang paghahari tulad ng diktadurang Marcos.

8 Kailan dapat magkaroon ng Chacha?

Sinasalamin ng anumang konstitusyon ang pamamaraan at proseso ng kaayusang panlipunan sa isang takdang panahon. Itinatakda dito ang interes ng nangingibabaw na mga uri at ang paraan ng pakikipag-ugnayan nito sa pinangingibabawang mga uri at sektor ng lipunan. Ang konstitusyon ay masasabing dokumento ng pansamantalang kaayusang itinatakda ng relasyon at tunggalian ng mga uri sa lipunan sa isang takdang panahon.

Halimbawa, ang kasalukuyang konstitusyon ay dokumento ng pangangasiwa sa malakolonyal at malapyudal na kaayusan. Sa saligan, ang konstitusyong ito ay nagsisilbi sa interes ng imperyalismong US at sa lokal na naghaharing uri — ang malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa na nangingibabaw at nagsasamantala sa manggagawa, magsasaka, mga propesyonal at maliliit na negosyanteng Pilipino.

Nagkakaroon ng mga makabuluhang pagbabago sa konstitusyon kapag may mga makabuluhang pagbabago sa balanse ng pwersa sa relasyon at tunggalian ng mga uri sa lipunan. Halimbawa, sa sandaling manaig ang mga anakpawis sa lipunan, lalamanin ng konstitusyon ang mithiin ng nakararami sa lipunan tulad ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon na susi sa pag-unlad ng kabuhayan ng mamamayan at paglaya sa labis na pagsandig sa dayuhan. Sa pagkakataong ito, ang konstitusyon ng bansa ay magtatadhana ng isang gubyerno ng mamamayan na nagtataguyod ng kasarinlan ng bansa sa imperyalistang kontrol at naggagarantiya sa karapatan at kalayaang sibil ng kanyang pinaglilingkurang mamamayan. Subalit ang pagsasatitik nito sa konstitusyon ay kailangang ipaglaban ng mamamayan sa mga naghaharing uri na siguradong gagawa ng paraan para pigilan ito.

Ang mga pagbabago kung gayon na nagmumula sa hanay ng mga naghaharing uri ay mga pagbabagong kosmetiko na ang layunin ay linlangin at pigilan ang pagkilos ng mamamayan para sa mapagpasyang pagbabagong panlipunan. Ang mga pagbabago sa konstitusyon ng naghaharing uri ay para sa mas masinop pang pagpapagana ng naghaharing sistema o kaya ay nagsisilbi para sa makitid na pansariling interes ng isang pangkat laban sa iba pang paksyon ng naghaharing uri. Ganito sa esensya ang Chacha ni Gloria — pagbabagong kosmetiko o panghitsura lang pero mas pagpapasahol pa ng pagsasamantala at pagpapahirap sa mamamayan para lamang manatiling nakapaghahari at nakikinabang.

Ang makabuluhang chacha o pagbabago sa konstitusyon ay iluluwal ng mga pagbabago sa hanayan ng mga pwersang nagtutunggali sa lipunan. Samakatuwid, ang makabuluhang charter change ay hindi magaganap sa ilalim ng gubyernong Arroyo. Hindi tutuong ang chacha ni Gloria ang makapapagbago ng sistema. Tuso ngang ginagamit ni Arroyo ang pangakong pagbabago ng chacha para makapanatili sa poder. Mahalagang maunawaan ito ng mamamayan at mariing itakwil ang anumang pagtatangka ng gubyernong Arroyo na muling manlinlang.

Ang krisis ng lipunang Pilipino ay hindi dahil sa reaksyonaryong katangian ng konstitusyon. Repleksyon lamang ito ng sistemang pinaglilingkuran ng konstitusyon. Ang ugat ng krisis ay ang pag-iral ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na sumusuhay sa malakolonyal at malapyudal na kaayusan ng lipunang Pilipino. Malulutas lamang ang krisis kapag ito ay mapagpasyang nabunot at nagapi ng mamamayan. Kapag napalaya ang bayan sa kontrol ng imperyalismong US at nalansag ang paghahari ng mga panginoong maylupa at kumprador burgesya.

Hindi magaganap sa Chacha ni Gloria ang paglutas sa krisis ng bayan. Kung tutuusin, isang makabuluhang hakbang sa paglutas sa pundamental na krisis ng lipunan ay ang pagbigo sa pakanang Chacha tungo sa pagpapatalsik sa gubyernong Arroyo at pagtatayo ng konseho ng mga kinatawan ng mga demokratikong uri at sektor at ng mga pwersang naghahangad ng makabuluhang pagbabago sa lipunan.

Kapag napatalsik ang gubyernong Arroyo at naitayo ang konseho ng mamamayan, mabibigyan ng tinig at kapangyarihang makisangkot ang mamamayan sa pagbubuo ng gubyernong tunay na maglilingkod sa nakararami. Sa ganitong pagkakataon mas nararapat at magiging makabuluhan ang pagbabago sa konstitusyon ng bansa. Ito ang chacha na kailangang isulong ng mamamayan. #

 
< Prev   Next >
Template source by AdesDesign.net. Converted to Mambo template by Your Mambo Design.
© 2014 Institute for Political Economy
Joomla! is Free Software released under the GNU/GPL License.