Institute for Political Economy - Home of the Institute for Political Economy INSTITUTE FOR POLITICAL ECONOMY
HomeJournalsPrimersCoursesPublicationsMonographsNewsLinksSearch
Main Menu
Home
Journals
Primers
Courses
Publications
Monographs
News
Links
Search
Praymer sa Pambansang Kalagayan PDF Print E-mail

Hulyo 2006

Kagilagilalas ang solusyong naisip ng gubyernong Arroyo para pawiin ang kahirapan sa Pilipinas. Para mabawasan ang bilang ng mahihirap na mamamayan, baguhin ang sukatan ang pagiging mahirap. Para kumunti ang mga walang trabaho, palitan ang depinisyon ng “walang trabaho”. Para pagtakpan ang larawan ng paghihikahos, kulapulan ito ng piniling estadistika na wala namang kabuluhan sa mamamayan. Ito ang mahika ni Gloria — bumuo ng mga pantastikong larawan ng maunlad at sumusulong na na ekonomya gamit ang pili at niretokeng mga datos sa ekonomya. 

Patuloy na pinatutunayan ng rehimeng Arroyo na hindi ito mauubusan ng mahika pagdating sa pagmamanipula ng datos at paglulubid ng mga kasinungalingan. Di nga ba’t ang pinakamalaking kasinungalingang ipinipilit sa mamamayang Pilipino ay ang resulta ng malawakang pandaraya sa eleksyon at maluklok sa poder ang gubyernong Arroyo.

Pero hindi na lamang ito numero unong sinungaling. Mabangis din nitong sinusupil ang seksyon ng mamamayang hindi nito mapaniwala at militanteng lumalaban sa kanyang pekeng adminstrasyon. Sa kabila ng sarisaring pakana at pandarahas, hindi nito magawang pigilan ang patuloy na lumalawak na pagkakaisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan upang tuluyan nang patalsikin ang peke, mapanlinlang at pasistang gubyerno ni Gloria Macapagal Arroyo.

Para makapangunyapit sa poder, inilalarga ng gubyernong Arroyo ang pinakabagong opensiba laban sa mamamayan — panlilinlang at panunupil: chacha at gera. Kapwa mga desperadong hakbang ng isang nasusukol na rehimen. Hindi man pormal na ideklara, hindi na mapagtakpan ng anumang demokratikong palamuti ang pasistang diktadurang Arroyo. Ang peke, papet at anti-mamamayang gubyerno ay nagpapakitang gilas ngayon sa buong mundo sa pamamagitan ng mga dinoktor na datos sa ekonomya at pagsupil sa militanteng mamamayan.

Sa darating na state of the nation address (SONA) ni GMA, malamang na muli itong maghahabi ng mga kasinungalingan habang pilit na pinagtatakpan ang duguan nitong kamay mula sa humahabang listahan ng mga militanteng mamamayan na pinatay dahil hindi ito napaniwala at lumaban para sa katotohanan. Subalit mapapansing todo buhos ang pasistang militar ni Arroyo para paghandaan ang pagdagsa ng mamamayan muling magpapahayag ng pangkalahatang sentimyento ng mamamayan para patalsikin ang peke, papet at pasistang rehimen. Palatandaang bigo ang gubyernong Arroyo na linlangin at takutin ng nagbabalikwas na mamamayan.

Haharapin ni Arroyo sa SONA ang dadagundong na protesta ng mamamayan hindi lamang sa kahabaan ng kalsada patungo sa pagdarausan ng SONA kundi maging sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa loob ng kongreso, nakaabang ang petisyon ng mamamayan para sa kanyang pagpapatalsik (impeachment) kaya todo gapang na ang mga alipures ng rehimen na patayin ito. Sa kanayunan, patuloy na pinahihina ng matatagumpay na opensiba ng rebolusyonaryong CPP-NPA ang paghaharing militar kahit na suportado ng ispesyal na pondong isang bilyong piso at mga ayudang militar ng US dahil sa pangungurakot dito ng matataas na heneral ng pasistang militar.

1.Paano pinagtatakpan ng gubyerno ang lugmok na kalagayan ng ekonomya?

Tulad ng resulta ng eleksyon, ang ekonomya ng bansa ay pilit na pinagmumukhang mahusay para patuloy nitong malinlang ang mamamayan at makakuha ng mahusay na credit standing at patuloy na makapangutang sa mga pandaigdigang ahensyang pampinansya. Para magmukhang mainam ang ekonomya, ang mga pang-ekonomyang datos ay piling-pili na at dinoktor pa. Tatak-Arroyo talaga, pagdating sa pandaraya at kasinungalingan. Ipinagmamalaki ng gubyerno ang mataas na tantos ng paglago sa Gross National Product at Gross Domestic Product (GDP) — ang pangkaraniwang sukatan sa pangkalahatang kalagayan ng ekonomya. Pero itinago nitong ispekulatibo, di-produktibo, pansamantala at hindi naman napakinabangan ng mamamayan ang sinasabing paglago sa GNP at GDP.

Makikita ito kung susuriin ang mga sektor ng ekonomya na nagbabahagi sa GNP/GDP. Sa unang kwarto ng 2006, ang 5.5% na paglago ng ekonomya ay ipinamamarali ng gubyernong bunga daw ng mabungang agrikultura, produktibong pagmamanupaktura at masiglang sektor pampinansya.

Pero itinatago ng mga datos na ito na ang paglago sa agrikultura ay kung ikukumpara lang sa pag-impis ng produksyon nito noong nakaraang taon. Hindi talaga umuunlad ang produksyong agrikultura kundi ang paglago ng produksyong agrikultural sa bansa ay pasumpong-sumpong at labis na nakabatay sa inam ng klima o panahon. Pero ang masahol dito, hindi naman mga magsasaka at mangingisda ang makikinabang sa anumang paglago sa produksyon. Makikita ito sa napakababang farm gate prices (presyo kapag binili sa magsasaka) kumpara sa retail prices (presyo kapag ibinenta sa konsyumer). Bukod dito napakataas pa rin ng presyo ng mga pangunahing input sa produksyon na kalakhan ay produkto ng TNCs at kontroladong ibinibenta ng mga panginoong maylupa-komersyante. Wala tuloy kalabanlaban at lugi ang mga magsasaka sa mas murang imported na produktong agrikultural na bumabaha sa lokal na pamilihan dahil sa patakarang liberalisasyon ng gubyernong Arroyo.

Hindi rin ipinapakita sa sinasabing paglago sa pagmamanupaktura na ang halagang nalikha dito ay pangunahin pang nagmula sa manipulasyon ng presyo para lumikha ng tubo lalo pa sa pagtaas ng presyo ng petrolyo at dagdag na buwis dahil naipapasa naman ito sa konsyumer at nagagamit pa ngang dahilan sa pagpapalaki ng tubo. Kung tutuusin, 14 mula sa 20 pangunahing saray ng pagmamanupaktura ang dumanas ng pag-impis ng produksyon. Tinatayang 14% ng kabuuan ang iniliit ng factory output. Nireretoke ngayon ng gubyernong Arroyo sa pamamagitan ng NEDA ang pagsukat ng production index para maipalaiwanag ang malaking kaibahan sa tumaas na value-added (dagdag na halagang naitala sa GNP) habang umiimpis ang production volume sa kabuuan.

Matinding tinamaan ng globalisasyon ang sektor ng pagmamanupatuktura partikular ang mga maliit at katamtamang laki ng empresa na bumubuo sa mahigit 90% ng mga establisimyento sa bansa. Tumirik ang karamihan dito bunga ng mga patakarang globalisasyon laluna ng agresibong liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan ng gubyernong Arroyo. Tumaas ng 50% ang bilang ng mga establisimyentong nagsasara o nagbabawas ng manggagawa dahil sa kawalan ng kapital na pambili ng iniimport na production inputs at kakayahang makipagkumpitensya sa imported na produkto. Araw-araw, pangkaraniwan nang 8 establisimyento ang nagsara o nagtanggal ng sa pangkaraniwan ay 156 na manggagawa. Ito ay mula lamang sa mga datos na naitala at di pa kasama ang mas maraming empresa na basta na lamang nagsara at hindi na nagdeklara sa iba’t ibang dahilan.

Tumaas ang tantos ng paglago ng GNP pero patuloy sa pangkalahatang paghina ang agrikultura at pagmamanupaktura na gulugod ng produksyon sa ekonomya. Patuloy na umiimpis ang kontribusyon ng agrikultura (19% na lamang) at pagmamanupaktura (21%) sa kabuuang halagang nalikha ng lokal na produksyon.

Nangunguna pa rin ang service sector sa mga nagtutulak ng tantos ng paglago sa GNP. Pero nitong nakaraang tatlong taon, bumagal ng bahagya ang paglago sa sektor ng telekomunikasyon dahil sa matinding monopolisasyon ng iilang pangkat. Sinikap itong apulain ng gubyernong Arroyo sa pag-engganyo ng call centers at iba pang outsourcing na negosyo pero kinapos pa rin. Ang bumirit ay ang mga negosyo sa pagbabangko at pinansya na ang pinakamalaking dahilan ay maramihang paglabas-masok ng salapi sa bansa.

Tulad ng dati, ang pangunahing pinagmumulan ng “paglago” ng ekonomya ay ang remitans o mga padalang dolyar ng mga migranteng Pilipino. Maging ang pagsigla ng saray ng konstruksyon sa sektor ng industriya ay matutunton sa mga ipinatatayong bahay o imprastraktura ng mga overseas Filipinos. Marami ding kinita ang mga bangko dahil pa sa pagbibenta ng mga bono ng gubyerno at pagpapadaloy ng tubo ng mga korporasyong transnasyonal palabas ng bansa. Todo kayod ang gubyerno para patuloy na hikayating mag-abroad ang mga manggagawa at magpadala ng dolyar. Mismong si Pangulong Arroyo ang umiikot sa iba’t ibang bansa na inilalako ang murang paggawa at mga malalaking insentibo sa mga dayuhan na magnegosyo sa Pilipinas. Lahat ng ito, para pumasok ang dolyar sa ekonomyang eksport-import.

Malinaw na walang patutunguhang pag-unlad ang isang ekonomyang walang gulugod na agrikultura at pagmamanupaktura. Pundamental na depekto ng ating ekonomya ang di pangkaraniwang paglaki sa sektor ng serbisyo laluna na ang telekomunikasyon, pinansya at informal economy. Sumusuporta lamang ito sa pangkabuuang disenyo ng imperyalismong US na gawing tambakan ng sobrang produkto at kapital ang bansa habang pinaghahanguan naman ito ng mga murang paggawa at hilaw na materyales tulad ng mineral at iba pang likasyaman.

Nakikinabang ng husto sa ganitong kaayusan ng ekonomya ang mga malalaking exporter at importer na binubuo ng mga korporasyong transnasyonal kasosyo ang pamipamilya ng lokal na malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa. Ginagamit nilang instrumento ang gubyerno para ipatupad ang globalisasyon at nagpapalala sa agraryo, atrasado, export-import, at nakaasa sa dayuhang pautang at pamumuhunan ang ekonomya ng bansa. Sa ganito, patuloy ang paglaki ng dambuhalang tubo napipiga ng mga naghaharing uri sa pawis at dugo ng mamamayan.

2.Ano ang epekto ng sinasabing pag-inam ng ekonomya sa kabuhayan ng mamamayan?

Lalo pang bumagsak ang kabuhayan ng karaniwang mamamayan kahit na pilit itong pinagtatakpan ng estadistika ng gubyerno. Higit pa sa anumang datos ng paglago sa GNP o sa GDP, ang tunay na sukatan ng pag-unlad sa ekonomya ay ang kalagayan ng kabuhayan ng mamamayan.

Hindi pa rin naaampat ang krisis ng kawalang hanapbuhay sa ilalim ng sinasabing paglago ng ekonomya. Nagpapatuloy ang pag-iral ng pinakamatinding kawalan ng trabaho sa kasaysayan ng bansa. Umaabot na sa mahigit 10 milyong manggagawa ang nangangailangan ng trabaho. Ang unemployment rate ay tinatayang 11.4% ng kabuuang lakas paggawa ng bansa. Pero sa isang iglap ang datos na ito ay “nabawasan” dahil sa ginawang pagbabago ng depinisyon ng gubyerno noong Abril 2005 alinsunod daw sa depinisyon ng International labor Organization (ILO).

Sa bagong depinisyon, ang mga walang trabaho daw ay yaong “ walang hanapbuhay, naghahanap at maaaring (available) makapagtrabaho”. Samakatuwid, yaong mga mga hindi na kinaya o gusto maghanap ng trabaho sa nakaraang 6 na buwan, halimbawa dahil talagang sumuko na o wala ng rekurso para maghanap, at iba pang dahilan ay hindi na kasama sa walang trabaho. Dahil sa bagong depinisyon, ang unemployment rate nitong Abril 2006 ay aabot na lamang sa 8.2% o 2.9 milyong manggagawa kumpara sa datos na 11.4% o 4.4 milyong manggagawa kung gagamitin ang lumang depinisyon. Mahigit isang milyong manggagawa ang nawala sa bilang ng mga trabaho sa simpleng pagbabago lamang ng depinisyon!

Pero kahit na bagubaguhin man ang depinisyon, hindi rin naman mababago ang katotohanan. Patuloy na lumalaki ang bilang ng mga walang trabaho dahil sa kawalan ng trabahong nalilikha para higupin ang mga bagong manggagawa at ang paglaki ng mga natatanggal na manggagawa. Boladas lamang ang target na isang milyong trabaho ng gubyernong Arroyo. Katunayan, sa halip na lumikha ng disenteng hanapbuhay, libu-libong kawani ng gubyerno ang tinatanggalan ng hanapbuhay sa ngalan ng patakarang pribatisasyon at deregulasyon ng gubyerno.

Sa pagtataya, 14% ng kabuuang lakas-paggawa ang napipilitang maghanap ng trabaho sa ibang bansa at sinasabing aabot sa 3,000 manggagawa ang umaalis kada araw. Tinataya ng Ibon na ang tantos ng palatandaan sa kasalatan sa trabaho (indicative job scarcity rate) ay aabot na sa 43% ng lakas paggawa kapag pinagsamasama ng unemployment rate, underemployment rate at OFW deployment rate sa isang takdang panahon.

Sabagay, hindi rin naman katiyakan ng pagkabuhay ang pagkakaroon ng trabaho sa Pilipinas. Ang pasahod sa Pilipinas ay hindi nakakabuhay at napakalayo kahit sa pinakaminimum na halagang kailangan para mabuhay ng maayos. Halimbawa, bahagi ng patakaran ng gubyerno ang mababang pasahod para daw makahikayat ng dayuhang pamumuhunan.

Kaya naman, binabarat at ginagawa ang lahat ng paraan para manatling napakababa kahit ng minimum na pasahod. Ang minimum na pasahod sa Kamaynilaan (NCR) ay nanatiling P250 sa matagal na panahon sa ilalim ng gubyernong Arroyo kahit na makailang beses nang tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Napilitan na lamang ang gubyernong utusan ang wage board na magtaas ng P25 noong nakaraang taon at panibagong P25 nitong Hulyo 2006. Bago ito, dagdag sa ECOLA lamang ang limos ni Arroyo sa mga manggagawa. Pero kahit ang kasalukuyang ang minimum na sahod na P300 (P350 kung kasama ang ECOLA) ay napakalayo sa P675.54 daily cost of living (DCOL) o halagang kailangan kada araw ng isang pamilya may 6 na miyembro sa NCR.

Mas masahol pa ang kalagayan sa labas ng NCR. Pinakamababang minimum na pasahod ay umaabot lamang sa P162 sa non-agricultural workers, P165 para sa agricultural at P192 para sa mga manggagawa sa retail and service establishments. Sa mga lugar na ito, ang DCOL ay mula P501 hanggang P508.

Mas matindi pa kung ikokonsiderang malaking bilang ng mga establisimyento ang hindi sumusunod sa batas sa minimum na pasahod. Pinapayagan mismo ng DOLE ang mahigit 75% ng mga kumpanyang humihiling ng eksemsyon sa batas sa minimum na pasahod.

Sa buwang ito (Hulyo 2006), minadali ng gubyernong Arroyo ang desisyon ng mga regional wage boards para maunsyami ang anumang namumuong momentum nang isinusulong na pakikibaka ng KMU para sa P125 pagtaas sa sahod. Kahit na gustong magpabango ng imahe dahil sa pampulitikang krisis na kinasadlakan nito, hindi pa rin nagawa ng gubyernong Arroyo na tumalikod sa kanyang mga kauri at lalu na sa imperyalismong US. Pero pumalpak ang consuelo de bobo ni Gloria. Sa halip na ikabango ng pangalan, lalo pa itong isinumpa ng mga manggagawa na nainsulto sa inilimos nitong P25. Napakalayo nito sa hinihiling ng mga manggagawa at kung tutuusin ay halos wala itong signipikanteng kabuluhan sa kabuhayan ng manggagawa.

Ang tutuo’y higit pa nga sa karadagang sahod ang kinakailangan ng mga manggagawa at mamamayan. Lalo lamang tumitingkad ang pakikibaka sa sahod, trabaho at lupa dahil sa pagtaas ng halaga ng pamumuhay at kawalan ng serbisyong panlipunan. Sa lahat ng ito, malaki ang pananagutan ng gubyernong Arroyo na hindi lamang nagkait ng serbisyo kundi pinigaan pa ang mamamayan ng dagdag na buwis at pambayad-utang sa dayuhan at mga tauhan. Patuloy na bumabagsak ang halaga ng sahod ng mga manggagawa dahil sa walang patumanggang pagtaas sa presyo ng mga produkto at serbisyo na sa kalakhan ay arbitraryong itinatakda ng mga monopolyo. Sumirit ang tantos ng implasyon (inflation rate) mula sa 3% noong 2002, 7.7% noong 2005, at uumanot na sa 6.7% nitong unang kwarto pa lang ng 2006. Pero ang inflation rate ay matagal nang pinagduduhan ng marami bilang epektibong palataandaan ng galaw ng presyo sa pamilihan. Dahil ang tutuo’y higit na mabilis pa dito ang pagtataas ng presyo ng mga karaniwang bilihin at serbisyo na kailangan ng mamamayan.

Sa price monitor survey ng Ibon, lumitaw na mula Disyembre 2005 hanggang Marso 2006, tumaas ang presyo ng asukal ng P7 kada kilo, mga karaniwang isda ng P27 kada kilo, at P12 naman itinaas ng kilo ng manok. Sa tingin ng Ibon, ito ay direktang resulta ng sunodsunod na pagtaas ng presyo ng langis at ang mga dagdag na buwis tulad ng value added tax (VAT) na mabilis namang naipapasa sa mamamayan.

Sa huling bilang umabot na sa 101 beses nagtaas ng presyo ng produktong petrolyo mula nang ipatupad ang deregulasyon sa industriya ng langis noong 1997 na nangakong ng mas mababang presyo ng produktong petrolyo. Aabot sa 140% ang itinaas ng presyo ng mga produktong petrolyo mula noong maluklok sa poder noong 2001 ang kasalukuyang gubyerno. Para sa 2006 pa lang, aabot na sa P720 bilyong piso na ang pinagsamang tubo ng Big Three (Caltex, Shell, Petron) mula sa overpricing ng mga produktong petrolyo. Nakakapgdikta ang mga ito ng presyo dahil sa monopolisado nito ang lokal na industriya laluna nang magkaroon ng deregulasyon sa industriya ng langis noong 1997.

Pero malaki din ang kinalaman ng gubyernong Arroyo sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Hindi alintana ang pagsasamantala ng oil cartel sa mamamayan, dinagdagan pa ng gubyerno ang pasanin nang itaas pa nito ang excise tax sa langis ng P2 kada litro at inalis ang dating eksemsyon ng produktong petrolyo sa value added tax (VAT). Lahat ng ito ay ipinasa lamang sa pinal na presyo ng produkto at nangahulugan ng 12% karagdagan sa presyo ng produktong petrolyo. Sa pagtataya ng Ibon, kung wala ang VAT, sa unang apat na buwan ng 2006 ay maaring bumaba kada litro ang presyo ng diesel ng 78 sentimos, premium gasoline ng 77 sentimos, regular gasoline ng 72 sentimos, kerosene ng 80 sentimos at 16 sentimos naman sa LPG. Pero malamang na malayo ito sa isip ng ubyerno dahil ang VAT ay ipinilit talaga ng gubyerno bilang solusyon sa kanilang krisis piskal.

Malaki din ang pananagutan ng gubyerno sa abot-langit na pagtaas ng singil sa tubig at kuryente. Mula 1997, tumaas ng 391% ang singil ng Manila Water na sosyohan ng mga Ayala, United Utilities (UK), Mitsubishi (Japan) at World Bank. Umabot naman sa 345% ang itinaas ng singil ng Maynilad na pag-aari ng sosyohang Lopez at Ondeo ng Pransya. Ang mga pinakamatatarik na pagtaas ng singil ay nangyari sa panahon ng gubyernong Arroyo na umabot pa nga sa panunuyo sa Maynilad noong 2004 matapos itong magtangakang bumaklas sa programang pribatisasyon ng gubyerno. Todo ang suporta ng gubyernong Arroyo sa pribatisasyon at pikit mata ito sa maya’t mayang pagtaas ng paniningil ng mga korporasyong ito kahit na tuwiran itong lumalabag sa kontrata ng pribatisasyon at lalo pang sumasahol ang serbisyo nito sa mamamayan.

Tuwing ikatlong buwan naman halos tumataas ang presyo ng kuryente ayon sa programa ng pribatisasyon na itinatadhana ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA). Mula 2004, tumaas ang singil ng Meralco mula P6.06 per kilowatthour sa P10.21 per kw-hr nitong Hunyo 2006. Patuloy na ipinapasa sa mamamayan ang utang ng Napocor na pinagpasasaan ng mga independent power producers at mga burukrata kapitalista. Sa halip na ipawalambisa ang mga maanomalyang utang, pilit itong pinanagutan ng gubyerno subalit kinukuha naman ang pambayad mula sa dagdag na singil sa kuryente at panibagong buwis sa mamamayan.

Wala na ngang maibigay na serbisyong panlipunan, higit pang tumataas ang halaga ng pamumuhay dahil sa pagpapaubaya ng gubyerno na pagtubuan ang mga batayang yutilidad tulad ng tubig at kuryente. Kahit ang mga ahensya ng gubyerno ay hindi magkandatuto sa kanilang pagsisinungaling. Samantalang sinasabi ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) na kailangan ng P703.46 na di hamak na mas mataas pa sa pagtutuos ng Ibon ng DCOL sa pambansa na P552.40 at P675.54 sa NCR. Pero alinman dito ang sukatan ng DCOL, lilitaw na ang karaniwang minimum na pasahod sa Pilipinas ay wala pa sa 50% ng kailangan nitong halaga para mabuhay.

Sa kabilang banda, sinasabi rin ng ibang ahensya ng gubyerno na kada mamamayan ay nangangailangan lamang ng P33.72 bawat araw para hindi mapabilang sa mahirap. Kaya naman, batay sa ganitong sukatan, ang upisyal na estadistika ng insidente ng kahirapan ay bumaba mula sa 33% noong 2000 at naging 30% na lamang ng kabuuang populasyon nitong 2003.Tulad ng iba pang estadistika, sa isang iglap at simpleng pagbabago ng depinisyon ng kahirapan — lumiit ang bilang ng mahihirap sa Pilipinas!

3.Bakit patuloy na tumitindi ang paghihirap ng mamamayang Pilipino?

Hindi nagbabago bagkus lalo pang sumasahol ang pundamental na depekto ng ekonomya. Ang patuloy na pangingibabaw sa lipunang Pilipino ng mga malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa bilang mga matatapat na kasosyo ng imperyalismong US ang nagpapanatili sa bansa bilang tambakan ng mga produkto at kapital ng imperyalismo habang angkatan ng murang paggawa at hilaw na materyales tulad ng mineral at iba pa. Ito ang pakay ng imperyalismong US ng sakupin nito ang Pilipinas at ito pa rin hanggang ngayon makalipas ang mahigit isang siglo nang pandarambong nito sa bansa.

Ang nabago lamang ay ang tindi ng pandarambong ng imperyalismo bunga ng pagangailangan nitong pumiga ng mas malaking tubo para makapanatili sa likas na krisis ng pandaigdigang kapitalismo. Nitong nakaraang huling dekada, muling binayo ng krisis ng sobrang produksyon ang pandaigdigang kapitalistang sistema kaya lalo pang naging marahas ang kumpetisyon ng mga imperyalistang bansa para sa mga bagong pamilihan. Ang kanilang mga pag-uunahan para sa pinakabagong teknolohiya sa produksyon ay lalo pang nagpalala sa sobrang produksyon, nagpataas sa gastos sa produksyon at nagpapaba sa aktwal na tubo. Nagluwal ito ng kaguluhan sa produksyon na ang unang tinamaan ay ang manggagawa, magsasaka, maliliit na prodyuser at mga karaniwang konsyumer. Sa paglaki ng produksyon, lumawak ang kasalatan dahil nakonsentra lamang ang yaman sa iilang korporasyon at imperyalistang kapangyarihan na walang katapusang nagtutunggali para sa pinakamalawak na pamilihan, pinakamalaking tubo at pandaigdigang kapangyarihan.

Ito ang esensya ng imperyalistang globalisasyon. Sa pangangailangan ng mga bagong pamilihan, pwersahang binubuksan ng imperyalismo ang mga bansa sa pamamagitan ng mga pandaigdigang instrumento nito tulad ng IMFWorld Bank, World Trade Organization (WTO) at mga regional trade blocs para ipatupad ang “malayang kalakalan” na sa esensya ay walang restriksyong pagpasok at paglabas ng mga kalakal at kapital ng imperyalismo sa mga mahihirap na bansang tulad ng Pilipinas. Winawasak ng imperyalistang globalisasyon ang nagsasariling ekonomya ng mga bansa at pinipigilan ang anumang hibo ng industriyalisasyon at hinaharangan ang pagsasagawa ng mga repormang agraryo. Kapalit ng mga pautang at mga ayuda ay inilalako ng mga pandaigigang instrumento ng imperyalismo ang mga programang preskripsyon ng globalisasyon — ang pribatisasyon, deregulasyon at liberalisasyon. Ito naman ang matapat na ipinatupad ng mga papet na gubyerno ng Pilipinas.

Hindi naging mahirap na ipatupad ang globalisasyon sa Pilipinas lalo pa’t napakahigpit ng kontrol ng imperyalismo sa lokal na naghaharing uri at sa burukrasyang militar. Kaya naman, kabilang ang Pilipinas sa mga unang bansang naglatag ng mga “eksperimento” sa globalisasyon.

Noong 1979 sa kainitan ng pasistang diktadurang Marcos, pumasok ang Pilipinas sa mga structural adjustment programs (SAP) kapalit ng pautang mula sa IMF at World Bank. Noong dekada 80, sunod-sunod na Tariff Reform Programs ang isinagawa na nagpatuloy kahit pagkatapos ng Pag-aalsang Pebrero noong 1986. Paisa-isang nilliliberalisa ang mga sektor ng ekonomya habang unti-unting isinasagawa ang pribatisasyon ng mga pag-aari at ahensya ng gubyerno at inaalis ang kontrol at pakikialam ng gubyerno sa ilang bahagi ng ekonomya.

Ang mga hakbanging ito na sa wari ay kalat-kalat ay nagkahugis bilang magkakaugnay na programa sa ilalim ng Philippines 2000 ni Heneral Fidel Ramos. Matapos ito, sunod-sunod nang naisagawa ang mga programa, batas at patakaran sa pagpapatupad ng idinidikta ng imperyalismo na alisin ang restriksyon sa pagpasok at paglabas ng produkto at kapital ng imperyalismo. Ibinaba ang taripa ng mga produktong agrikultural mula 85% patungong 9% na lamang at sa industriya, mula 92% patungong 3% na average na lamang. Isaisa ring tinanggal ang mga import restrictions o mga limitasyon sa pagpapasok ng mga imported. Isinabatas ang malayang pagpasok ng dayuhang pamumuhunan tulad ng Foreign Investments Act ng 1991, Build-Operate- Transfer (BOT) law noong 1993 at pagtanggal sa forex controls noong 1993. Kabilang pa sa nagpaligaya sa imperyalismo ang mga batas tulad ng National Water Crisis Act noong 1995, Oil Industry Deregulation Act noong 1996/98 at ang nabanggit nang EPIRA noong 2001 na nagresulta sa pribatisasyon sa tubig/ kuryente at deregulasyon sa langis Sinundan ito ng liberalisasyon ng water transport (1992), telecommunications (1993), banking and shipping (1994), airlines (1995) at retail trade (2000) habang isinagawa naman ang pribatisasyon ng mahigit US$3.5 bilyon na pag-aari ng gubyerno karamihan noong dekada 90.

Naging aktibo ang imperyalismong US sa pagsusulong ng mga trade blocs bilang bahagi ng pagbabakod sa mga kolonya nito tulad ng ASEAN Free Trade Area (AFTA) para sa rehiyon at WTO naman para sa pandaigigang saklaw. Pinangunahan ng noo’y Senador Gloria Macapagal-Arroyo ang ratipikasyon sa General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) at ang pagpaloob ng Pilipinas sa itatayong World Trade Organization noong 1995.

Noong 2001, itinuloy ng bagong luklok na Pangulong Arroyo ang pagsasakatuparan ng mga patakaran ng imperyalistang globalisasyon na kanyang sinimulan noong siya ay senador pa lamang. Ibayo pa nitong niliberalisa ang agrikultura ng bansa at hinayaang pumasok ang mga imported na produkto at dayuhang kapital habang isinapribado ang batayang serbisyo sa produksyong agrikultural at inalis ang mga suporta ng gubyerno sa maliliit na magsasaka tulad ng subsidyo, pautang at insentibo. Nilumpo din ng globalisasyon ang maliit na sektor ng pagmamanupaktura sa bansa at maramihan ang mga nalugi at nagsarang empresa dahil sa di-makayanang kumpetisyon at kawalan ng kapital at proteksyon mula sa gubyerno. Lalo pang bumulusok ang kabuhayan ng mga manggagawa at magsasaka na higit pang piniga sa pagnanais ng imperyalismo at ng mga lokal na kasabwat nito na ibayo pang magpalaki ng tubo. Nagdulot ito ng napakatinding kahirapan at paghihikahos sa kabuhayan ng mamamayan. Milyon ang nawalan ng hanapbuhay at nagutom, at tumindi ang panlipunang ligalig.

Pero hindi pa rin ito sapat para makuntento ang imperyalismong US. Hindi makalarga sa World Trade Organization (WTO) ang ninanais nitong lawak ng liberalisasyon dahil sa tunggalian sa pagitan ng mga imperyalistang bansa at gayundin ang paglaban ng mga mamamayan ng mahihirap na bansa tulad ng nasaksihan ng buong daigdig sa nakaraang WTO Ministerial Conference sa Hongkong nitong nakaraang taon. Kaya naman, ang liberalisasyong hindi maisagawa sa multilateral na kasunduan sa WTO ay nais isagawa sa pamamagitan ng mga kasunduang bilateral. Nakasalang ngayon sa gubyernong Arroyo ang negosasyon para sa pagbubuo ng bilateral free trade agreements kapwa sa Japan at US. Mula pa noong Agosto 1992, binubuo ang Japan- Philippines Economic Partnership Agrement (JPEPA) habang mas maaga pa dito ay lumagda ang gubyernong Arroyo sa Business Framework Agreement sa US noong Abril 2002 kabilang na ang pag-aaral sa posibilidad ng isang kumprehensibong US-RP free trade agreement na maaaring higit pa sa Laurel- Langley Agreement na ipinataw sa bagong tayo na Republika ng Pilipinas at natapos lamang noong panahon ni Marcos. Subalit ang pangunahing partikular na misyon sa larangan ng ekonomya ni Arroyo para sa imperyalismo ay ang charter change na sa pangunahin ay naglalayong alisin ang natitirang legal na mga balakid para sa imperyalistang globalisasyon sa Pilipinas.

4.Bakit desperadong itinutulak ng gubyernong Arroyo ang Chacha?

Ipinangako ni Arroyo ang Chacha na hinihiling ng imperyalismong US, maliban pa sa pagsusulong ng war on terror sa Pilipinas, kapalit ang mga ayudang militar at suportang pulitikal sa kanyang gumegewang na rehimen. Noon pa mang eleksyon ng 2004, ginamit nito ang Chacha para kunin ang boto ng imperyalismo at ng mga lokal na naghaharing uri at katunaya’y inilalarga na nga sana noong nakaraang taon subalit nadiskaril ng pumutok ang pampulitikang krisis na sinindihan ng Garci tapes at humantong sa madrama subalit bigong impeachment sa kongreso.

Nakahinga kahit paano ang rehimeng Arroyo sa pagpasok ng 2006 lalo pa nang ideklara ng Korte Suprema ang legalidad ng pagpataw ng binagong value added tax (VAT). Naputol ang momentum ng kilusang talsik ng mamamayan at muling bumango ang gubyernong Arroyo sa hanay ng mga dayuhang kapitalista at lokal na naghaharing uri sa pangakong dala ng VAT na solusyon diumano sa krisis piskal ng gubyerno. Subalit nanahimik man ang elitistang oposisyon pansamantala, muli namang sumigabo ang kilusang talsik lalo na yaong mula sa hanay ng mga anakpawis at propesyonal na nakatuntong sa mga isyung pangekonomya at pampulitikang panunupil.

Gayunma’y, muling pinaarangkada ng gubyernong Arroyo ang tren ng Chacha. Pero sa pagkakataong ito ay hindi na lamang sa pamamagitan ng “constituent assembly” umasa ang gubyernong Arroyo. Naghanap ito ng alternatibang ruta at sinalaula ang konsepto ng “people’s initiative” nang gamitin nito ang salapi ng bayan at ang malawak na makinarya ng gubyerno upang suhulan ang mga lokal na upisyal at kasabwatin ang mga ito na linlangin ang taumbayan na magsagawa ng diumano’y petisyon para sa pagbabago ng konstitusyon. Isang biglang sulpot na organisasyong tinatawag na Sigaw ng Bayan, ang nangunguna ngayon sa pagkalap ng mga pirmang ito. Pero hindi pa man nakakaporma, agad nang lumitaw ang mga kaso ng panlilinlang, panunuhol at pananakot para makakalap ng pirma para sa “people’s initiative”. Bukod dito, kitang-kita ang papel ng gubyernong Arroyo na gamitin ang makinarya at rekurso ng pamahalaan. Nagsisilbing makinarya ng Sigaw ng Bayan ang ilang upisyal ng barangay na pinatatakbo naman ng mga kampon ni Arroyo sa mga local government units sa tulak ng DILG at ng mga alipores nito sa Union of Local Authorities in the Philippines (ULAP).

Desperado ang gubyernong Arroyo na madaling maisagawa ang Chacha. Pilit nitong pinalilitaw na sinusuportahan ito ng mamamayan na pinapatunayan daw ng dumaraming pumipirma sa “people’s initiative”. Pero kandabulol ang gubyerno dahil hindi nito mapasinungalingan ang halos iisang pulso ng mamamayan mula sa mga sarbey at maging sa opinyong publiko. Sa regular na survey ng Ibon Foundation, lumilitaw na di-bababa sa 75% ng mga respondents na nakakaalam sa isinasagawang Chacha ang tutol dito. Sa kabila nito, tuloy pa rin ang buhos ng pera ng bayan para sa pagpapirma habang niluluto ito sa Comelec na magbeberipika ng mga pirma at sa Korte Suprema na magpapasya sa legalidad ng “people’s initiative” na sa tutuo’y Arroyo initiative.

Lubhang napakaimportante ng Chacha para sa gubyernong Arroyo. Hindi na lamang ito katuparan ng pangako sa imperyalisong US para alisin ang nalalabing legal na balakid sa saligang batas para sa madulas na implementasyon ng imperyalistang globalisayon at gera. Sa simula, ang talagang puntirya ng itinutulak na Chacha ng imperyalismong US ay ang mga demokratiko at makabayang palamuti na naipasok sa kasalukuyang konstitusyon. Partikular na nais maalis ng imperyalismo ang pagbibigay proteksyon sa lokal na industriya at negosyo, kontrol at superbisyon ng gubyerno sa mga pang-ekonomyang aktibidad, pagbabawal sa 100% pagmamay-ari ng lupa, paglimita sa pag-aari ng dayuhan hanggang 40% sa mga lokal na negosyo, paglimita ng dayuhang kapital sa mga public utilities, pagbibigay-tangi (preference) sa lokal na paggawa at materyales, at iba pang ipinapalagay ng imperyalismo na pumipigil sa dayuhang pamumuhunan. Gigil na gigil ang US sa mga probisyon kaugnay sa itinatakdang tungkulin ng estado na linangin ang isang malaya at nagsasariling ekonomya na kontrolado ng mga Pilipino. Ito at ang ilang mga probisyon sa seksyon ng pambansang patrimonya at ekonomya ay pinipilit alisin ng US kahit na kung tutuusin ay hindi naman ito ipinatupad ng mga papet na gubyerno. Target din ng US na alisin sa konstitusyon ang pagbabawal sa armas nukleyar, dayuhang tropa at baseng militar na nagiging legal na sagabal at umaantala sa paglulunsad ng imperyalistang gera ng US sa Pilipinas at sa kabuuan ng Asya.

Pero pinagsisilbi din ang Chacha sa makitid na interes ng pangkating Arroyo. Nagbabakasakali itong kapag nangyari ang Chacha, malilimutan na ng mamamayan ang dayaan noong 2004 at magiging lehitimo na ang administrasyong Arroyo. Magiging instrumento ito upang makonsolida ni Arroyo ang kontrol sa kapangyarihan at makaalpas sa kinasasadlakang pampulitikang krisis. Kung magkakaChacha, umaasa si Arroyo na malilihis ang atensyon ng mamamayan at hindi na muling maungkat ang dayaan sa eleksyon, korupsyon, pampulitikang panunupil at iba pang isyu para sa kanyang pagpapatalsik. Layon ni Arroyo na baguhin ang sistema ng gubyerno para kapunin ang Senado na kalakhan ay anti-Gloria at ipinupuslit ang “transitory provisions” na naglalatag ng pangmatagalang paghahari tulad ng pasistang diktadura ni Marcos.

Sa panukalang konstitusyon, lalo pang palalakasin ang pasistang kapangyarihan ng estado. Halimbawa, lalagyan nito ng limitasyon ang karapatan ng mamamayan na magpahayag at maglunsad ng samasamg pagkilos. Papupurulin ang prinsipyo ng checks and balances sa pagbabawas sa kapangyarihan ng kongreso at korte suprema na tumutol o magpahintulot sa pagdideklara ng batas militar.

Gayunman, unti-unting nauubusan ng oras ang rehimeng Arroyo na maisagawa ang Chacha batay sa senaryo nitong walang eleksyon sa 2007 at may awtomatikong ekstensyon ang mga nanunungkulang pulitiko. Pangkabig sana ito ng pangkating Arroyo para makuha ang suporta ng mga pulitiko. Pero may eleksyon mang maganap, ipipilit pa rin ng kampo ni Arroyo na isabay dito ang plebisito para sa bagong konstitusyon. Lumilitaw din kasing mahalaga ang eleksyon sa 2007 dahil magagamit ito ni Arroyo para kumuha ng “mandato” para sa kanyang gubyerno na walang kredibilidad at pinagdududahan.

Kaya naman, tiyak na itutulak ng mga pulitiko na unahin sa agenda ang Chacha sa pagbubukas ng kongreso sa huling linggo ng Hulyo. Subalit, nakasalang din ngayon ang panibagong pagtatangka na patalsikin si Arroyo sa pamamagitan ng impeachment proceedings ng kongreso. Kumakailan, sunodsunod na nagsumite ng kanilang petisyon ang iba’t ibang makabayang lider at kinatawan ng mga organisasyon ng mamamayan para pormal na hilingin sa kongreso ang panibagong proseso ng impeachment. Sa pagbubukas ng kongreso, ang unang pagdibatehan sa kongreso ay kung ano ang unang agenda; Chacha o impeachment ni Gloria.

Mulat ang kilusang talsik ng mamamayan at walang malaking inasahan sa mga impeachment complaints na inilatag sa kongreso. Kahit ang oposisyon ay nagsasabing hindi magiging madali ang pagkuha ng sapat na bilang ng kongresista para suportahan ito at magtuloy sa impeachment court. Kahit ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay nagpahayag ng patuloy na paghahanap ng katotohanan sa iba’t ibang paraan subalit hindi nakikitang mainam na pamamaraan ang impeachment para lumabas ang katotohanan.

Gayunma’y nanatiling mahalagang larangan ng paglaban ng mamamayan ang impeachment sa kongreso hindi lamang para makuha ang suporta ng mga kongresista kundi higit pa rito, mailantad ang mga usapin at mapakilos ang mamamayan para samasamang kumilos ang mamamayan upang pwersahing paalisin sa kapangyarihan ang gubyernong Arroyo. May mga nagsasabing ang eleksyon sa susunod na taon ay makakapag-impluwensya sa paninindigan ng mga reeleksyonistang pulitiko.

Pero ang tutuo’y higit pa sa impeachment sa kongreso, ang pagdagsa ng mamamayan sa kalsada at ang bangungot ng panibagong people power ang labis na kinatatakutan kaya mapapansing bago pa man dumaluyong ang protesta ng mamamayan, agad niya na itong hinaharap ng kamay na bakal.

5.Paano isusulong ng gubyernong Arroyo ang Chacha at ang agenda nitong manatili sa kapangyarihan?

Kamay na bakal ng pasistang diktadura. Kundi malinlang ng Chacha, gamitin ang dahas at pwersa ng estado. “Strong republic” ang tawag dito ni Arroyo pero ang nasa likod nito ay ang konseptong ang tatag, katahimikan at kaunlaran ay iluluwal ng pasipikasyon ng militar at pagpawi sa mga pwersang hindi sumusuko sa gubyernong Arroyo. Ang ganitong kaisipan ay hindi kumikilala sa mga saligang konsepto ng katarungan at karapatang tao at sa halip ay sumasandig sa armadong pwersa ng militar upang pagtakpan ang kahinaan at makapanatili sa kapangyarihan sa kabila ng malaganap na disgusto ng mamamayan sa bulok na pamamahala.

Malubhang nahihiwalay sa mamamayan si Arroyo. Ipinapakita ng iba’t ibang survey ang malawak na diskontento mamamayan sa gubyernong Arroyo ang pagnanais ng mayorya na mapaitan si Arroyo sa madaling panahon. Sa nakaraang survey ng Ibon (Marso 2006), lumabas na 72% ng mga mamamayang tinananong ay nagsabing dapat nang palitan si Pangulong Arroyo bilang pinuno ng bansa. Ito ay sa kabila ng samutsaring gimik at boladas na isinasagawa hindi lamang ng mga ahensya ng gubyerno kundi maging mga binabayarang dayuhang ahensya para pabanguhin ang administrasyong Arroyo sa publiko at sa buong mundo.

Sa anumang paraan ay kailangang “patahimikin” ni Arroyo ang mga pangunahin nitong kritiko para maisulong ang mga legal na maniobra para mapanatili sa poder at madeliber ang Chacha para sa imperyalismo. Nagdeklara ito ng state of national emergency noong Pebrero at ginamit na dahilan ang pangkaraniwang rali at demonstrasyon ng mamamayan sa anibersaryo ng Pagaalsang Pebrero. Pinalabas nitong may planong kudeta na sabwatan ng mga rebeldeng sundalo, legal na oposisyon, militanteng organisasyon at ng mga komunista.

Inilabas nito ang Presidential Proclamation 1017 at marahas na binuwag ang mga mapayapang pagkilos ng mamamayan. Inaresto ang ilang sundalo na diumano’y lider ng tangkang kudeta at kinasuhan kasama ang mga kinatawan sa kongreso ng mga militanteng party list ng Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela. Ni-reyd ang ilang upisina at ipinasara ang ilang kritikal na media outfit tulad ng imprenta ng Tribune at ang mga programa sa radyo na Ngayon Na Bayan at Buhay Manggagawa.

Sa pagdideklara nito ng PP 1017, ipinakita ni Arroyo ang kahandaan nitong gumamit ng kamay na bakal at hubarin ang anumang demokratikong pagkukunwari para manatili sa poder. Kahit na Korte Suprema na kalakhan ng miyembro ay maka-Arroyo ay hindi nagawang pagtakpan ang diktatoryal at dikonstitusyonal na mga hakbangin ni Arroyo tulad ng PP 1017, calibrated preemptive response (CPR) para buwagin ang mga pagkilos ng mamamayan, reyd at takeover ng Tribune at pang-aaresto ng walang kaukulang proseso.

Pero kapansing-pansing may partikular na tutok ang panunupil ng gubyernong Arroyo. Iniiwasan nitong lantarang bumira sa malapad na pwersang anti-Arroyo halimbawa mga elitistang oposisyon at sa halip ang pinuruhan ay ang mga susing elemento o sektor na nagpapalawak at nagpapatatag sa malapad na alyansa ng mga pwersa laban kay Arroyo. Partikular na pinuruhan sa panahon ng “national emergency” ang hanay ng rebeldeng sundalo at sa kabilang banda ay ang militanteng oposisyon sa kongreso sa pangunguna ng mga lider ng mga party list ng Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela Women’s Party gayundin ng mga organisasyong tulad ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), KMU, Courage, LFS at mga taong simbahan.

Sa pamamagitan ng pagpuro sa mga militanteng organisasyon, epektibo ring napapahina ni Arroyo ang malapad na alyansa ng oposisyon sa gubyernong Arroyo dahil sa mahalagang papel na ginagampanan nito sa pagbubuo ng nagkakaisang hanay. Ginagamit ng gubyernong Arroyo ang anti-komunistang propaganda laban sa mga militanteng organisasyon at pilit itong ikinakabit sa counter-insurgency campaign na inilulunsad ng gubyernong Arroyo bilang lokal na bersyon ng war on terror ng imperyalismong US.

Para mabigyang katwiran ang panunupil ng gubyerno sa mga militanteng organisasyon at lider, pilit itong pinararatangang mga prente ng komunista at idinadawit sa mga armadong grupo. Ginagamit ang mga vigilantes at mga paramilitary groups para patayin, dukutin at takutin ang mga lider at aktibong miyembro ng mga militanteng organisasyon.

Mula noong 2004, kapansinpansin ang pagtaas sa bilang ng mga political assassinations at pagdukot sa mga lider at miyembro ng mga militanteng organisasyon na tutol sa Chacha, globalisasyon at iba pang mga programa ng gubyerno. Noong 2005, umabot sa 132 lider ang pinatay, pwera pa dito ang mahigit 200 na nakaligtas sa tangkang pagpatay. Sa unang hati ng taon, may kabuuang 91 na lider na ang pinatay at 51 ang dinukot at hanggang ngayon ay nawawala. Ayon sa Karapatan, mula 2001 nang maluklok sa poder ang gubyernong Arroyo, may naitala na silang 704 sibilyan na pinatay (297 ay mga aktibista) at ang pwersahang pagkawala ng 180 mamamayan. Karamihan sa mga biktima ay mga lider ng mga militanteng organisasyon, taga-media, taong simbahan at iba pang ang pangunahing gawain (at marahil dahilan kung bakit sila pinatay at dinukot!) ay magsiwalat ng katotohanan, ipaalam ito sa mamamayan at kumilos para sa mga makabuluhang pagbabago sa lipunan.

Hindi nabigyan ng katarungan ang isa man sa mga kasong ito. Kahit na pa karamihan ay natukoy na kagagawan ng mga sundalo, pulis o tauhan ng gubyernong Arroyo. Mas masahol pa, ang pagsasawalang kibo ng gubyernong Arroyo sa mga pagpatay na ito sa mga kritiko nito ay lalo pang naglilinaw kung sino ang ultimong salarin sa mga paglabag na ito sa karapatang tao. Kahit nga ang ahensya nitong Commission on Human Rights ay di na nakatiis at nagpahayag ng pagkadismaya dahil sa kawalan ng aksyon at katarungan sa mga kasong ito.

Subalit ang madugong kampanya ni Arroyo para patahimikin ang oposisyon ay hindi umuuubra. Maaring pansamantalang nag-toned down ang media pero patuloy pa rin ang mga militanteng organisasyon sa mga pag-oorganisa, pagmumulat at pagpapakilos ng mamamayan lalo pa’t tumitindi ang kahirapan at panunupil na nagtutulak para lumaban. Lalo namang nahihiwalay sa mamamayan ang gubyernong Arroyo dahil sa pasistang pamamaraan nito sa pagsupil sa oposisyon. Umaani din ng batikos ang gubyernong Arroyo maging sa mga pandaigdigang organisasyon ng mamamahayag at mga taong simbahan.

6.Bakit pinangangambahang magpapatuloy pa ang madugong kampanya ng pasistang diktadurang gubyerno ni Arroyo para supilin ang mamamayan?

Tila asong naulol na sa kapangyarihan ang gubyernong Arroyo. Sa hangarin nitong makapanatili sa poder at patuloy na makuha ang suporta ng imperyalismong US, mistula itong bulag at bingi sa mga biniktima ng mga operasyong militar na mamamayang ang hangad lamang ay maipagtanggol ang kanilang kabuhayan, magpahayag ng kanilang paninindigan at makibaka para sa makabuluhang pagbabago sa lipunan. Pero dahil ito ay taliwas sa interes at kagustuhan ng gubyernong Arroyo at ng imperyalismong US na pinagsisilbihan nito, itinuturing itong paglaban sa gubyerno at kung gayon ay kaaway ng gubyerno.

Pero noon pa man, kinilala nang ang ugat ng paghihimagsik ng mamamayan ay ang mga pundamental na depekto ng lipunan. Ang ilang dekadang rebolusyon na inilulunsad ng New People’s Army (CPP-NPA) ay nakaugat sa ilang siglo ng problema sa lupa. Ang kahirapan ng bansa ay iniluluwal ng pagkontrol ng dayuhang monopolyo kapitalista at ang pakikipagsabawatan dito ng mga panginoong maylupa at burgesya kumprador. Ito ang ugat ng kahirapan ng mamamayan. Ito rin ang nagluluwal ng paglaban ng mamamayan.

Pero sa halip na hanapin at solusyonan ang ugat ng dekadekada nang rebelyon sa bansa, tinalikuran ng gubyernong Arroyo ang mga pagkakataon para makipag-usap sa mga rebeldeng pwersa tulad ng CPP-NPA-NDF at MILF. Nitong huli, napaulat na tuluyan nang naputol ang posibilidad ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapan sa NDF dahil sa pagpupumilit ng gubyerno na pasukuin ang NPA bago mag-usap. Nilusob naman ang kampo ng MILF ng mga sundalo ng gubyernong Arroyo kahit na sinasabi nitong malapit na raw magkasundo ang gubyerno at MILF.

Total war ang tugon ni Arroyo sa lahat ng lumalaban sa kanyang gubyerno. Ito man ay mga armadong grupo tulad ng NPA at MILF o sa mga sundalong nagrerebelde. Pero ganito rin ang tugon ng pasistang gubyerno sa mga militanteng organisasyon ng mamamayan na mas bulnerable dahil lantad at hindi armado.

Gayunman, hindi naman bago ang ganitong patakaran ng gubyernong Arroyo. Noon pa man, matapat na nitong sinusunod at ipinatutupad ang lokal na bersyon ng US war on terror sa ayuda ng imperyalismong US at ng lokal na naghaharing uri. Lahat ng ito ay bahagi ng paglalatag ng US sa Pilipinas bilang “ikalawang larangan” (second front) ng pandaidigang gera ng US laban sa “terorismo” na ang tinutukoy ay mga pwersang kontra sa imperyalismo at kontra sa gubyernong Arroyo.

Mula 2001, inilatag ng gubyernong Arroyo ang isang sistematikong programa para magawa ito. Kabilang dito ang pagbubuo ng legal agenda (sa partikular ay ang Anti-Terrorism Bill na malapit nang ipasa), kumprehensibong antikomunistang psywar (tulad ng pag-uugnay sa mga legal na militanteng organisasyon at lider sa mga armadong grupo tulad ng NPA, MILF at mga rebeldeng sundalo), pagbusog sa tropang militar mula sa mga ayuda ng imperyalismong US, at higit pang pagpapabagsik sa mga programang counterinsurgency. Nitong mga nakaraang panahon lamang nalalatantad ang mabagsik na Oplan Bantay Laya, isa sa mga tampok na counter insurgency program sa ilalim ng gubyernong Arroyo. Tinukoy ito ng gubyerno pangunahing internal security plan na nagsasagawa ng kumbinsyon ng operasyong militar, pagpapatupad ng batas at mga programang pangmahirap na ang pinakalayunin ay alisan ng baseng suporta ang mga rebolusyonaryong pwersa. Subalit sa aktwal, ang talagang Oplan Bantay Laya ay ang mga malulupit na operasyong militar na sumasalanta sa kabuhayan ng mga komunidad laluna sa mga liblib na lugar at ang pag-iral ng pangkat ng mamamatay tao na binibiktima ang mga legal na lider ng mga lehitimong organisasyon ng mamamayan.

Samantala, patuloy na lumalaki ang ayuda at presensyang militar ng US sa Pilipinas. Dahil sa matapat na implementasyon ni Arroyo sa lokal na bersyon ng US‘war on terror, tumanggap ang gubyernong Arroyo ng pabuya mula sa gubyernong Bush. Nitong nakaraang dalawang taon, niregaluhan si Arroyo ng $157.2 M para daw pang-ekonomyang tulong, $49.6 M para sa military financing, $5.7 M para sa edukasyon at pagsasanay ng militar bukod pasa $22.4 M na tulong para sa security sector. Patuloy pa rin ang mga joint exercises ng tropang militar ng US at Pilipinas sa mga lugar na pinaniniwalaang base ng mga rebolsyonaryong pwersa tulad sa Luzon, Cebu, Cotabato at Sulu.

Patuloy na lumalawak ang papel ng US sa counter insurgency program ng gubyerno. Katunayan, nitong nakaraang buwan, inanunsyo ng gubyernong Arroyo at ng US Embassy ang pagtatayo ng Security Engagement Board (SEB) bilang mekanismo para sa “pagkokonsultahan” at pagtutulungan ng US at RP sa mga hindi pangkaraniwang usaping panseguridad tulad ng pandaigdigang terorismo, transnational crime, martime safety at iba pa na hindi saklaw ng Mutual Defense Board (MDB) na naitayo na noon pang 1958.

Pero kung pagbabatayan ang laki, lawak at dalas ng mga engkwentro sa pagitan ng mga sundalo ng gubyernong Arroyo at ng mga rebolusyonaryong pwersa ng NPA at MILF, masasabing hindi nagtatagumpay ang programa ng gubyernong Arroyo para pawiin ang rebelyon. Sa di-kumpletong datos na kinalap ng Ibon sa iba’t ibang sanggunian, may 109 engkwentrong naganap sa pagitan ng NPA at AFP sa unang 6 na buwan ng 2006. Ito ay halos 100% paglaki sa dating naitalang 58 insidente ng armadong komprontasyon ng NPA at AFP noong nakaraang taon. Bukod pa dito, naiulat ang pangkalahatang pagbaba ng moral ng mga karaniwang sundalo dahil sa malakaganap na pangungurakot ng mga heneral at ang paggamit ni Arroyo sa AFP para sa sariling makitid na interes.

Labis ang pangamba ni Arroyo at ng mga naghaharing uri na magkatutuo ang hinala nitong marami sa mga batang upisyal ng AFP ang unti-unting namumulat at nakikipag-isa sa New People’s Army (NPA). Dahil kahit mismo ang gubyerno ay aminado sa patuloy na paglakas ng rebolusyonaryong pwersa at umaani ng malawak na pagtangilik ng mamamayan laluna ng mga magsasaka sa kanayunan. Kaya naman todo buhos ngayon ng ayudang militar ang imperyalismong US at kumakailan lang ay naglaan ng dagdag pang 1 bilyong piso para gapiin daw ang NPA sa loob ng dalawang taon. Ito ay bukod pa sa patuloy na lumalaking badyet ng gubyerno para sa militar at iba pang gastusing militar na nakakalat sa ibang departamento ng pamahalaan tulad ng edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pa.

Kung tutuusin, lalo lamang napapaypayan ang rebolusyon dahil sa kahirapang inireresulta ng counter-insurgency program na inisponsor ng US. Sa halip na mapunta sa serbisyong panlipunan, nagagamit pa ang badyet ng gubyerno sa mapangwasak na digma ng gubyerno na bumibiktima ng inosenteng sibilyan at nagwawasak sa kabuhayan ng mamamayan. Liban pa ito sa di na mabilang na paglabag sa karapatang tao sa ngalan ng counter insurgency program.

Ang kabiguan ng militar na gapiin ang rebolusyonaryong pwersa ay ibinubunton nito sa mga di-armadong lider at miyembro ng mga militanteng organisasyon na legal at lantad na kumikilos ayon sa maliit na demokratikong espasyo sa ilalim ng gubyernong Arroyo. Pero ang ganitong mga panunupil ang nagtutulak sa maraming mamamayan na mag-armas at nagpapaypay pa sa higit na paglaganap ng rebolusyon at pagdami ng rebolusyonaryong pwersa na pilit nilang ginagapi.

7.Bakit lalong nagiging mahalaga ang pagsusulong ng kilusang talsik sa rehimeng Arroyo?

Hindi pa rin ganap na nabubuo ang pinakamalapad na alyansa ng kilusang talsik sa rehimeng Arroyo. Bagamat nagkakaisa sa pagnanais na mapatalsik sa poder ang peke, pasista at papet na gubyernong Arroyo, ang mga grupo at pampultikang pwersang anti-Arroyo ay patuloy pa ring naghahanp ng kaisahan sa pamamaraan ng pagpapatalasik at alternatibang sistema at personahe matapos mapatalsik ang itinatakwil na rehimen.

Nagiging salik ang ganitong sitwasyon sa pagkalito ng di-organisadong seksyon ng mamamayan dahil sa iba’t ibang programa at alternatiba na naihaharap sa kanila. Hindi tuloy maisalin sa malalaking mobilisasyon at mapagpasyang pagkilos ang pagkamuhi at matibay na paninindigan ng mamamayan na itakwil at palitan na ang gubyernong Arroyo. Lalong nagiging mahalaga sa mga panahong ito ang pagsusulong ng kilusang talsik dahil sumagad na hanggang sa buto ang pagiging papet at malatukong pagkapit sa kapangyarihan kahit na pumatay ng mga inosenteng mamamayan. Matarik na bumabagsak ang kabuhayan ng mamamayan na lalo pang sumasahol dahil sa mga hakbanging tulad ng Chacha.

Kahit na sa anong paraan sukatin ang opinyong publiko, lilitaw angmalinaw na disgusto ng mamamayan at ang pagnanais nitong palitan na ang isang gubyernong nagpapahirap sa mamamayan at matakaw sa kapangyarihan. Mahalagang isulong ang kilusang talsik sa isang panahong naghahanap ang mamamayan ng mamumuno sa kanila para sa pagpapatalsik sa isang kinasusuklamang rehimen.

Ito ang panahon para sa patuloy na pagpapaliwanag sa mamamayan na hindi na simpleng pagpapalit ng personahe ang solusyon kundi ang mas tiyak at kongkretong programa para harapin ang kagyat na suliranin sa kabuhayan ng mamamayan at ang mapagpasyang paglutas sa dantaong problema sa lupa na pinag-uugatan ng kahirapan at rebelyon.

Inaasahang patuloy na lilinaw at pipinuhin ng kilusang masa ang konsepto, proseso at pagtatayo ng transition council na bubuuin ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor, partidong pampulitika, organisasyong masa at iba pang samahan/ pangkat na aktibong lumalahok sa pagpapatalsik sa rehimeng Arroyo. Mahalagang maidiin ang katangian nitong transisyunal at pamumuno ng sibilyan sa militar at pulisya. Ang minimum na mga katangiang ito ang pwedeng pagsimulan ng pagbubuo ng konseho na magiging alternatibo sa peke at pasistang gubyerno. Mula dito, samasamang pagkakaisahan ang repormang kakailanganing gawin sa kagyat tulad ng repormang elektoral at pang-ekonomiko. Iba’t ibang larangan at isyung pampultika ang mabubuksan sa mga susunod na buwan. Magpapatuloy ang kampanyang anti-Chacha dahil tiyak na ipipilit ito ng gubyernong Arroyo. Subalit kahit na pinipilit na patayin ng mga alipures ni Arroyo sa kongreso, malawak pa ring sinusuportahan ng mamamayan ang impeachment ni Gloria Arroyo sa kongreso tulad ng makikita sa napakaraming grupo at indibidwal na mamamayang pumipirma sa petisyon sa kongreso. Dahil may eleksyon sa 2007, ipinagpapalagay ng iba na magiging hamon ito sa mga kongresista para biguin ang Chacha sa kongreso at isulong ang impeachment para tuluyang malantad sa mamamayan ang mga krimen ng gubyernong Arroyo. Pero, lakas ng mamamayan ang magtutulak sa mga pulitiko na kadalasa’y sensitibo sa ihip ng opinyong publiko.

Patuloy na sasahol ang kabuhayan ng mamamayan dahil sa epekto ng mga patakaran ng globalisasyon na higit pang palalalain dahil sa mga internal na salik tulad ng mga bagong programa ng gubyerno — dagdag na buwis, pagliit ng badyet sa social service, pagtanggal na kawani sa gubyerno at iba. Maapektuhan din ang ekonomyang matakaw sa dolyar at labis na nakatali sa eksternal na pamilihan sa pagtindi ng kaguluhan sa Gitnang Silangan. Lahat ng ito ay mangangahulugan ng higit na kahirapan at pagnanais ng mamamayan na baguhin ang sistemang pahirap. Patuloy na lumalaki ang pangangailangang imulat, organisahin at pakilusin ang mamamayan. Ang krisis sa ekonomya ay ibayo pang magpapaypay sa militanteng paglaban ng mamamayan, paglakas at paglawak ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan kapwa ng armado at di-armadong organisasyon ng mamamamayan, pagtindi ng tunggaliang paksyunal ng naghaharing uri at paglawak ng mga bitak kahit sa hanay ng naghaharing pangkating Arroyo —— lahat ng ito ay nagpapahiwatig na sa likod ng opensibang Chacha at gera ay isang paggewang at naghihingalong rehimen. #

 
Next >
Template source by AdesDesign.net. Converted to Mambo template by Your Mambo Design.
© 2014 Institute for Political Economy
Joomla! is Free Software released under the GNU/GPL License.